Sunday, 12 April 2020

MENSAHE SA PAGDIRIWANG NG MULING PAGKABUHAY


MENSAHE SA PAGDIRIWANG NG MULING PAGKABUHAY

“Si Kristo ay Muling Nabuhay, S’ya’y ating Kaliwanagan. Aleluya, Aleluya”

Ito ang ating ipinahayag sa ating pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ni Hesus habang ating itinatanghal at pinararangalan ang kandila ng Pasko ng Pagkabuhay.

Minamahal kong mga kapatid kay Kristo,

Tatlumpu’t-isang araw na tayong nasa ilalim ng Community Quarantine at ito ay palalawigin pa hanggang ika-30 ng Abril. Ibig sabihin, sa kabuuan ay apatnapu’t pitong araw tayong mananatili sa ganitong kalagayan. Mayroon nang mahigit na isang milyon at pitong daang libo ang naapektuhan at mahigit nang isang daan at apat na libo ang namatay na sa buong daigdig dahil sa COVID -19. Sa ating bansa, mayroon nang mahigit na apat na libo at apat na daang mga kaso at mahigit nang dalawang daan ang namatay.

Sa ganitong sitwasyon parang napakahirap ipahayag ang mga katagang “Si Hesukristo’y nabuhay, S’ya’y ating kaliwanagan. Aleluya, Aleluya! Dama ko, na parang hindi angkop ang bumati ng ‘Happy and Blessed Easter o nang Maligaya at Mapagpalang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.’ Sa kabila nito, sa aking pagninilay, aking napagtanto na nararapat, at matuwid lamang na ipagsigawan nang may kagalakan sa ating mga puso ang mga katagang ito:

“Si Hesukristo’y nabuhay, S’ya’y ating kaliwanagan. Aleluya, Aleluya!”

Mahigit nang dalawang milelnya, na ang mga bunga, kaloob at kapangyarihan ng Dakilang Misteryo at ng Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay ating tinatamasa. Totoong sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, ipinagkaloob Niya sa atin ang ganap na KALIGTASAN. Si Hesus ay nagtagumpay laban sa kasalanan. Nagwagi siya mula sa kamatayan. Kaya nga, wala nang kapangyarihan ang kasalanan at kamatayan sa ating buhay. Samakatuwid, si Hesus ang totoo nating Tagapagligtas at Manunubos.

Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus ay pinagtibay at pinatatag ang ating PANANAMPALATAYA sa Kanya. Walang katuturan ang lahat kung hindi siya muling nabuhay. Ito ang matibay nating pinanghahawakan nang walang pag-aalinlangan. Hindi na kailang pang humanap ng ibang patunay o ebidensya. Nakita at naranasan Siya ng mga alagad, at dama rin natin ang Kanyang buhay na presensya. Siya ang Simula at Katapusan—ang Alpha at ang Omega; siya ang Kahapon, ang Ngayon at ang Bukas. Samakatuwid, siya ang ating Diyos na totoo.

Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, pinuno Niya ang ating mga puso ng KAGALAKAN na hindi mapaparam sapagkat inalis at pinawi Niya ang lahat ng ating kalungkutan, takot, galit, kahirapan at pag-aalala. Isang kagalakang tunay na hindi tayo iniwan ni Hesus. Siya pa rin ang ating Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin. Sa ating mga Katolikong Pilipino, ang isa sa mga pinakatampok na pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ay ang Salubong o Enkwentro. Ang ating Mahal na Inang si Maria ang siyang lubos na nasaktan, nagdalamhati at naghinagpis sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus. Gayon na lamang ang di magmamaliw na kagalakan sa kanyang puso bilang ina sa pagtatagpo nila ni Hesus na kanyang Anak. Samakatuwid, si Hesus ang siyang tanging Bukal ng kagalakan at kaligayahan sa buhay na ito.

Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, biniyayaan Niya tayo ng dakila at bagong pag-asa. Mayroong napakaganda, maluwalhati at kaningningang naghihintay sa atin. Tayo rin ay mayroon muling pagkabuhay. May kahalagahan ang ating paggawa ng kabutihan. May patutunguhan ang ating pagpapakasakit; na matapos nating harapin ang mga hamon at krisis na nararanasan natin dito sa mundo ay naroon pa rin ang ating pag-asa sa magagandang ibubunga nito. Samakatuwid, si Hesus ang magtatawid sa atin tungo sa kaganapan ng lahat ng ating inaasahan.

Si Kristo’y muling nabuhay. Siya’y ating kaliwanagan. Aleluya! Aleluya!”

Higit sa lahat, ako’y naniniwala na ang bawat isa sa atin, sa gitna ng pagdanas ng COVID-19, ay may mga iba’t-iba, bago, at magagandang bunga at karanasan na lalo pang magpapatingkad at magbibigay ng bagong anyo sa isang buhay na pagdiriwang natin sa taong ito ng 2020 ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.

Buhay si Hesus sa mga “Bagong Bayani” na ating sinasaluduhan at pinasasalamatan— ang lahat ng mga FRONTLINERS na handang ilaan ang sarili kahit pa ito ay mangahulugan ng kamatayan para lamang mailigtas ang mga naapektuhan ng COVID-19 at mapairal ang disiplina at kaayusan upang hindi na kumalat pa ang virus at maibigay ang mga panghunahing pangangailangan.

Buhay si Hesus dahil muling nabuksan ang ating mga puso at palad upang makapagbahagi sa ating kapwa nang anumang mayroon tayo, lalo na sa mga lubos na nangangailangan. Buhay si Hesus sapagkat nagsama-sama at nabuo muli ang mga pamilya dahil nagkaroon ng sapat na panahon para makinig, magtulungan, magpadama ng pagmamahal at magampanan ang tungkulin sa isa’t-isa. Buhay si Hesus sapagkat sa kabila ng mga paghihirap at krisis ay marami ring magagandang pagbabago ang naganap sa ating mga buhay—nadisiplina natin ang ating sarili; nalayo sa kasamaan at napagyaman ang kabutihan.

Buhay si Hesus sapagkat sa gitna ng katahimikan at kapahingahan ay nakabuo tayo ng bagong pananaw; nabago natin ang ating kaisipan, nakapagplano muli tayo para sa darating na mga araw; napag-alab muli natin ang ating mga puso na makapaglingkod nang wagas. Buhay si Hesus sapagkat kinakapitan natin Siya. Nagtitiwala tayo sa Kanya. Tumatawag, nanalangin at patuloy na nagsusumamo sa Kanya. Pinanghahawakan natin Siya. Buhay si Hesus sapagkat tunay na magkakaroon ng bagong nilikha, bagong tao at bagong buhay Kristiyano.

Nawa’y si Hesus na muling nabuhay ang Siyang magpalaya at magligtas sa atin sa pandemya ng COVID-19 upang makabalik tayo sa normal na pamumuhay at muli tayong makapaglingkod sa Kanya at sa ating kapwa.

Ang kagalakang taglay ni Maria na ating Ina, ang siya nawang magpuno ng katuwaan at kaligayahan sa ating buhay. Tanggapin ninyo ang aking pagbati, kalakip ang aking panalangin: MALIGAYA AT MAPAGPALANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO!

Si Kristo ay Muling Nabuhay, S’ya’y ating Kaliwanagan. Aleluya! Aleluya!

Sumasainyo,


VERY REV. NESTOR J. ADALIA
Apostolic Administrator 
Apostolic Vicariate of Calapan

Thursday, 2 April 2020

SUMMATIVE GUIDELINES FROM CDWDS AND CBCP DOCUMENTS

PANIMULANG SALITA: 

 

Isang AMBAG ayon sa sariling pagkukusa.  Isang munting pagsisikap ng PAGLALAGOM nang mga nilalamang kautusan ng mga magkakasunod-sunod na dokumento mula sa CDWDS at CBCP.  Ito ay naglalayong TUKUYINang mga wasto, direkta, eksakto at konkretong gabay na gagawin sa pagdiriwang.  Ito ay maaaring gamitin kung makakatulong sa mga nagtatanong at naghahanap; isaisantabi na lamang kung hindi. 

- Ang May-Akda -

 

 

MGA GABAY SA PAGDIRIWANG NG MGA MAHAL NA ARAW SA PANAHON NG COVID-19 

 

 

MGA BATAYANG DOKUMENTO: 

 

1.          CDWDS, Prot. No. 153/20, Decree in Time of COVID-19 (I), 19 March 2020 

2.          CDWDS, Prot. No. 153/20, Decree in Time of COVID (II), 25 March 2020

3.          CBCP Circular No. 20-15, Recommendations for the Celebrations of the Holy Week During the Quarantine Period (2020), 20 March 2020

4.          CBCP Circular No. 20-19, Supplement to the Recommendations for Holy Week and Paschal Triduum Celebrations in Time of COVID-19, 31 March 2020

5.          Missale Romanum 2000; Roman Missal 2010 

6.          Aklat ng Pagmimisa sa Roma, Salin Sa Tagalog ng Ikalawang Huwarang Sipi, 1981 

 

 

PANGKALAHATANG REGULASYON:

                          

1.          Magdiwang ng Misa (o Liturhiya) sine populo sa katedral at mga pamparokyang simbahan.

2.          Iwasan ang pagdiriwang ng “concelebrations”; maging ang maraming bilang ng mga tagapaglingkod.

3.          Sundin pa rin ang liturhiya na itinatadhana ng Missale Romanum, maliban sa mga itinakdang partikular na regulasyon ng restriksyon, para sa taong 2020 lamang, gaya ng mga sumusunod:  

 

 

PARTIKULAR NA REGULASYON-RESTRIKSYON:

 

1.          LINGGO NG PALASPAS SA PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON

 

1.1       Idaraos ang Paggunita sa Pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem sa loob ng simbahan.

1.2       Gamitin ang Ikalawang Paraan: Maringal na Pagpasok.

1.3       Ganapin ang Panalangin ng Pagbabasbas ng mga Palaspas sa dako ng Dambana sa loob ng simbahan. 

1.4       Alisin ang Pagwiwisik ng Banal na Tubig sa mga palaspas. 

 

2.          PAGMIMISA SA PAGTATAKIPSILIM SA PAGHAHAPUNAN NG PANGINOON 

 

2.1         Gaganapin sa gabi ang pagdiriwang na hindi mas maaga sa ika-5 ng hapon.  

2.2        Alisin ang Paghuhugas ng mga Paa; ito ay sadyang opsyonal.  

2.3       Alisin ang Prusisyon ng Banal na Sakramento patungo sa Paglalagakan ng Sakramento (o Altar of Repose) pagkatapos ng Panalangin Pagkapakinabang.

2.4       Ilagak na lamang ang Banal na Sakramento sa Tabernakulo.

 

Notanda: Ang faculty na magdiwang ng Missa sine populo sa gabing ito ay ipinagkakaloob sa lahat ng mga pari in exceptional manner.  Kung hindi makaka-Misa, dasalin ang Vespers patungkol sa araw na ito (cf. Liturgia Horarum).

 

 

 

3.          PAGDIRIWANG NG PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON 

 

3.1         Gaganapin sa ika-3 ng hapon, maliban kung may ibang higit na mabuting dahilan.

3.2       Idagdag sa Panalanging Pangkalahatan ang natatanging kahilingan para sa mga maysakit, pinanghihinaan ng loob at namatay, tulad ng sumusunod (sariling-akda):

 

XI.  Para sa mga Maysakit, Pinanghihinaan ng Loob at Namatay Dahil sa COVID-19

 

Idalangin din natin ang lahat ng mga nahawahan at may karamdaman, mga pinanghihinaan ng loob at mga pumanaw na dahil sa sakit na coronavirus, lalo’t higit ang mga health care providers na nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa mga maysakit, upang sila’y magkamit ng kagalingan, kalakasan, kaginhawahan at kapayapaan.  

 

Ama naming makapangyarihan, tanging bukal ng kalusugan at kagalingan, kaginhawahan at kapayapaan, ipagkaloob mo  na yaong mga nahawahan at may karamdaman nang coronavirus ay magkamit ng ganap na kagalingan, makasumpong ng puspos na kalusugan at kalayaan; yaong mga basag ang puso at wasak ang espiritu ay magtamo ng kalayaan mula sa kaalipinan ng pagkabalisa at pagkabigo at makasumpong ng kapanatagan sa iyong mapagpagaling na presensya; at yaong mga nangamatay na ay magkamit ng kapahingahan sa ganap na walang hanggang kapayapaan sa piling ng Lumikha, sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.  Amen. 

 

3.3       Maaring gawin ang Pagtatanghal sa Krus na Banal, gamit ang Ikalawang Paraan.

3.4       Gawin lamang ng paring tagapagdiwang ang paghalik bilang Pagpaparangal sa Krus.

 

4.          BANAL NA GABI NG MULING PAGKABUHAY

 

4.1       Gawin ang pagdiriwang nang hindi mas maaga sa ika-5 ng hapon.

4.2       Alisin ang Pagbabasbas at Paghahanda sa Ilaw para sa Maringal ng Pagsisimula ng Magdamagang Pagdiriwang: Ang Pagpaparangal sa Ilaw (o Lucernarium). 

4.3       Maaring gawin ang Paghahanda sa Ilaw sa payak na pamamaraan, gaya ng sumusunod:

 

Si Kristo ang kahapon at ngayon,

ang Pinagmulan at ang Hantungan

ang Alpha at ang Omega.

Kay Kristo ay nabibilang 

lahat ng panaho’t araw,

bawa’t yugto ng pag-iral.

Kay Kristo ang karangalan

lahat ng kapangyarihan

ngayon at magpakailanman.  Amen.

 

(Butil ng Insenso 1): Sa Kanyang banal

(Butil ng Insenso 2): at maluwalhating sugat,

(Butil ng Insenso 3): nawa’y si Kristong ating Panginoon

(Butil ng Insenso 4): ang maging ating tanggulan

(Butil ng Insenso 5): at ating sanggalang.  Amen.

 

4.4       Sindihan ang Kandila ng Pasko ng Pagkabuhay, habang ipinapahayag: 

 

“Mapawi nawang tuluyan 

ang dilim ng kasalanan 

sa puso nati’t isipan: 

Si Hesukristo’y nabuhay 

S’ya’y ating kaliwanagan”.  

4.5       Alisin ang Prusisyon ng Kandila ng Pasko ng Pagkabuhay.

4.6       Awitin o bigkasin ang Maringal na Pagpapahayag na Ngayo’y Pasko ng Pagkabuhay (o Exsultet) gamit ang Maikling Paraan. 

4.7       Maaring gawin dalawa (2) lang ang pagbasa mula sa Matandang Tipan; ang pagbasa ng ika-14 ng kabanata ng Aklat ng Exodo ay hindi dapat iwaglit. 

4.8       Maaring gawin ang Saglit na Katahimikan sa halip na Salmong Tugunan sa pagitan ng mga pagbasa.

4.9       Alisin ang Pagdiriwang ng Binyag.

4.10    Gawin ang Pagbabasbas ng Tubig ayon sa pamamaraan na walang bibinyagan,

4.11    Gawin ang Pagsariwa sa Pangako sa Pagbibinyag. 

 

Notanda: Ang mga pari na hindi makakayang makiisa sa Misa sa Gabi ng Pagkabuhay sa simbahan ay dapat dasalin ang Office of Readings for Easter Sunday (cf. Liturgia Horarum).  

 

5.          LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

 

5.1       Alisin ang popular na tradisyong Filipino na Encuentro o Salubong.

 

 

MGA KAUGNAY NA BAGAY-BAGAY:

 

1.          Ipaalam sa mga tapat na mananampalataya ang mga oras ng pagdiriwang sa mga Mahal na Araw upang sila man ay maging ganap ang pakikiisa sa pananalangin sa kani-kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng LIVE, NOT RECORDED, televisual or internet or radio broadcasts.

 

2.          Isaalang-alang na ang naunang mungkahi ng CBCP na “ang pari at sasakay sa pick-up vehicle at paroroon sa mga kalsada para magbasbas ng palaspas at magtanghal ng Krus o Banal na Sakramento, …” ay eksenang lilikha ng pagsalansang sa lock down at stay at home na pinatutupad ng pamahalaan.  Kung gustong-gusto talaga ng pari, gawin ito with great caution at may ugnayan sa lokal na pamahalaan at otoridad pang-kalusugan (cf. CBCP, Circular 20-19).  

 

3.          Itigil muna ang pagdaraos ng mga popular religious piety tulad ng malawakang Estasyon ng Krus, Pabasa ng Pasyon, Prusisyon sa Banal na Miyerkules at Biyernes Santo, Pagdalaw ng Pitong Simbahan (Visita Iglesia).  Maaaring ilipat na lamang ang mga ito sa ibang marapat na mga araw ng taon, hal. Setyembre 14, Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal, at/o Setyembre 15, Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati.

 

4.          Isagawa rin ang Tatlong Araw ng Pagdiriwang ng Pagpapakasakit at Pagkabuhay sa mga monasteryo, seminaryo at pamayanang relihiyoso,  

 

5.          Ituro ang Katesismo sa alternatibong paraan ng pagkukumpisal kapag walang pari ayon sa mga sumusunod na pamamaraan: (tingnan CCC Blg. 1451,1452)

a.           Kapulungin ang Diyos sa taimtim na panalangin.

b.          Banggitin ang katotohanan ukol sa mga nagawang kasalanan.

c.           Humingi ng kapatawaran sa Diyos.

d.          Dasalin ang Act of Contrition.

§            Kapag nadasal ito, napapatawad na agad ang mga venial sins

§  Kapag nangako na tutungo sa Sakramento ng Kumpisal sa madaling panahon, kasamang napapatawad ang mga mortal sins.   


 May Akda:

Padre Vicente R. Uy, JCD

 

Ika-1 ng Abril 2020