MENSAHE SA PAGDIRIWANG NG MULING PAGKABUHAY
“Si Kristo ay Muling Nabuhay, S’ya’y ating Kaliwanagan. Aleluya, Aleluya”
Ito ang ating ipinahayag sa ating pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ni Hesus habang ating itinatanghal at pinararangalan ang kandila ng Pasko ng Pagkabuhay.
Minamahal kong mga kapatid kay Kristo,
Tatlumpu’t-isang araw na tayong nasa ilalim ng Community Quarantine at ito ay palalawigin pa hanggang ika-30 ng Abril. Ibig sabihin, sa kabuuan ay apatnapu’t pitong araw tayong mananatili sa ganitong kalagayan. Mayroon nang mahigit na isang milyon at pitong daang libo ang naapektuhan at mahigit nang isang daan at apat na libo ang namatay na sa buong daigdig dahil sa COVID -19. Sa ating bansa, mayroon nang mahigit na apat na libo at apat na daang mga kaso at mahigit nang dalawang daan ang namatay.
Sa ganitong sitwasyon parang napakahirap ipahayag ang mga katagang “Si Hesukristo’y nabuhay, S’ya’y ating kaliwanagan. Aleluya, Aleluya! Dama ko, na parang hindi angkop ang bumati ng ‘Happy and Blessed Easter o nang Maligaya at Mapagpalang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.’ Sa kabila nito, sa aking pagninilay, aking napagtanto na nararapat, at matuwid lamang na ipagsigawan nang may kagalakan sa ating mga puso ang mga katagang ito:
“Si Hesukristo’y nabuhay, S’ya’y ating kaliwanagan. Aleluya, Aleluya!”
Mahigit nang dalawang milelnya, na ang mga bunga, kaloob at kapangyarihan ng Dakilang Misteryo at ng Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay ating tinatamasa. Totoong sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, ipinagkaloob Niya sa atin ang ganap na KALIGTASAN. Si Hesus ay nagtagumpay laban sa kasalanan. Nagwagi siya mula sa kamatayan. Kaya nga, wala nang kapangyarihan ang kasalanan at kamatayan sa ating buhay. Samakatuwid, si Hesus ang totoo nating Tagapagligtas at Manunubos.
Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus ay pinagtibay at pinatatag ang ating PANANAMPALATAYA sa Kanya. Walang katuturan ang lahat kung hindi siya muling nabuhay. Ito ang matibay nating pinanghahawakan nang walang pag-aalinlangan. Hindi na kailang pang humanap ng ibang patunay o ebidensya. Nakita at naranasan Siya ng mga alagad, at dama rin natin ang Kanyang buhay na presensya. Siya ang Simula at Katapusan—ang Alpha at ang Omega; siya ang Kahapon, ang Ngayon at ang Bukas. Samakatuwid, siya ang ating Diyos na totoo.
Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, pinuno Niya ang ating mga puso ng KAGALAKAN na hindi mapaparam sapagkat inalis at pinawi Niya ang lahat ng ating kalungkutan, takot, galit, kahirapan at pag-aalala. Isang kagalakang tunay na hindi tayo iniwan ni Hesus. Siya pa rin ang ating Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin. Sa ating mga Katolikong Pilipino, ang isa sa mga pinakatampok na pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ay ang Salubong o Enkwentro. Ang ating Mahal na Inang si Maria ang siyang lubos na nasaktan, nagdalamhati at naghinagpis sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus. Gayon na lamang ang di magmamaliw na kagalakan sa kanyang puso bilang ina sa pagtatagpo nila ni Hesus na kanyang Anak. Samakatuwid, si Hesus ang siyang tanging Bukal ng kagalakan at kaligayahan sa buhay na ito.
Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, biniyayaan Niya tayo ng dakila at bagong pag-asa. Mayroong napakaganda, maluwalhati at kaningningang naghihintay sa atin. Tayo rin ay mayroon muling pagkabuhay. May kahalagahan ang ating paggawa ng kabutihan. May patutunguhan ang ating pagpapakasakit; na matapos nating harapin ang mga hamon at krisis na nararanasan natin dito sa mundo ay naroon pa rin ang ating pag-asa sa magagandang ibubunga nito. Samakatuwid, si Hesus ang magtatawid sa atin tungo sa kaganapan ng lahat ng ating inaasahan.
“Si Kristo’y muling nabuhay. Siya’y ating kaliwanagan. Aleluya! Aleluya!”
Higit sa lahat, ako’y naniniwala na ang bawat isa sa atin, sa gitna ng pagdanas ng COVID-19, ay may mga iba’t-iba, bago, at magagandang bunga at karanasan na lalo pang magpapatingkad at magbibigay ng bagong anyo sa isang buhay na pagdiriwang natin sa taong ito ng 2020 ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Buhay si Hesus sa mga “Bagong Bayani” na ating sinasaluduhan at pinasasalamatan— ang lahat ng mga FRONTLINERS na handang ilaan ang sarili kahit pa ito ay mangahulugan ng kamatayan para lamang mailigtas ang mga naapektuhan ng COVID-19 at mapairal ang disiplina at kaayusan upang hindi na kumalat pa ang virus at maibigay ang mga panghunahing pangangailangan.
Buhay si Hesus dahil muling nabuksan ang ating mga puso at palad upang makapagbahagi sa ating kapwa nang anumang mayroon tayo, lalo na sa mga lubos na nangangailangan. Buhay si Hesus sapagkat nagsama-sama at nabuo muli ang mga pamilya dahil nagkaroon ng sapat na panahon para makinig, magtulungan, magpadama ng pagmamahal at magampanan ang tungkulin sa isa’t-isa. Buhay si Hesus sapagkat sa kabila ng mga paghihirap at krisis ay marami ring magagandang pagbabago ang naganap sa ating mga buhay—nadisiplina natin ang ating sarili; nalayo sa kasamaan at napagyaman ang kabutihan.
Buhay si Hesus sapagkat sa gitna ng katahimikan at kapahingahan ay nakabuo tayo ng bagong pananaw; nabago natin ang ating kaisipan, nakapagplano muli tayo para sa darating na mga araw; napag-alab muli natin ang ating mga puso na makapaglingkod nang wagas. Buhay si Hesus sapagkat kinakapitan natin Siya. Nagtitiwala tayo sa Kanya. Tumatawag, nanalangin at patuloy na nagsusumamo sa Kanya. Pinanghahawakan natin Siya. Buhay si Hesus sapagkat tunay na magkakaroon ng bagong nilikha, bagong tao at bagong buhay Kristiyano.
Nawa’y si Hesus na muling nabuhay ang Siyang magpalaya at magligtas sa atin sa pandemya ng COVID-19 upang makabalik tayo sa normal na pamumuhay at muli tayong makapaglingkod sa Kanya at sa ating kapwa.
Ang kagalakang taglay ni Maria na ating Ina, ang siya nawang magpuno ng katuwaan at kaligayahan sa ating buhay. Tanggapin ninyo ang aking pagbati, kalakip ang aking panalangin: MALIGAYA AT MAPAGPALANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO!
“Si Kristo ay Muling Nabuhay, S’ya’y ating Kaliwanagan. Aleluya! Aleluya!”
Sumasainyo,
VERY REV. NESTOR J. ADALIA
Apostolic Administrator
Apostolic Vicariate of Calapan
Thank u very much po Fr for ur encouraging strengthening and enlightening message ng Muling Pagkabuhay Panginoon Jesus I feel I am reborn and resurrected. Happy Easter po Bless po
ReplyDelete