Tuesday 12 May 2020

Ang Pagdarasal ng Santo Rosaryo



Ang Pagdarasal ng Santo Rosaryo

 

(NB: tingnan ang English guide para sa kabuuang daloy)

 

Commentator:  Magandang umaga, mga kapatid kay Cristo.  Welcome sa magkakasabay na National Consecration to the Immaculate Heart of May sa kapistahang ito ng Mahal na Birhen ng Fatima at sa ika-isandaa’t tatlong anibersaryo ng unang pagpapakita ng Mahal na Birhen.  Nananalangin tayo sa pagkakaisa.  Naghihilom tayo sa pagkakaisa.  Pinagpapanibago natin ang daigdig sa pagkakaisa.  Ito ang paraan ng ating bansa para hilingin ang grasya at awa ng Panginoon upang wakasan ang pandemya ng coronavirus, at upang hilingin ang panalangin ng Pinagpalang Birheng Maria para sa paghihilom at paggaling ng lahat ng dinapuan ng sakit, at para sa lakas at pangangalaga ng mga front-liners at ng ating kapwa-mamamayan.  Bilang isang bansa, ay magdarasal tayo ng Santo Rosaryo, magtatalaga ng Pilipinas sa Kailinis-linisang Puso ni Maria, at magdiriwang ng Banal na Eukaristiya.  Tayo ay pangungunahan ng mga arsobispo at Obispo ng bansa.  Ang sentro ng pagdiriwang ay ang National Shrine of our Lady of Fatima sa lunsod ng Valenzuela, sa Diyosesis ng Malolos.

 

 

PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHEN NG FATIMA

 

Napakabanal na Birheng Maria,

Reyna ng kasantu-santusang rosaryo, 

minarapat mong magpakita sa mga bata sa Fatima

at magbunyag ng maluwalhating mensahe.

Hinihiling namin sa iyo,

pukawin mo sa aming mga puso ang maalab na pag-ibig

para sa pagdarasal ng rosaryo.

Sa pamamagitan ng pagninilay sa mga misteryo ng kaligtasan 

na nakapaloob dito

nawa’y makamtan namin ang mga biyaya at katangiang aming hinihiling

sa pamamagitan ng mga merito ni Jesu-Cristong

aming Panginoon at Manunubos.

Amen.

 

 

Ang Unang Misteryo ng Luwalhati:  Ang Muling Pagkabuhay

 

Tagabasa: Itinanong ng Birhen sa tatlong bata: “ Nakahanda ba kayong mag-alay ng inyong sarili sa Diyos at magtiis ng mga paghihirap na ipadadala Niya sa inyo bilang pagbabayad-puri para sa mga kasalanang nakasakit sa kanya, at bilang pagmamakaawa para sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan?” “Opo, nakahanda po kami,” sagot ni Lucia.  Sa liwanag ng nalalapit na malaking paghihirap  ay binigkas niya ang kanyang “oo”.  Hindi sila dinaya ng Panginoon, at hindi Niya ipinagkait sa kanila ang kanyang biyaya, gaya ng ipinangako ng ating Ina: “Ang grasya ng Diyos ang magiging kaaliwan ninyo.”  Ang grasyang ito ng Diyos ang kumikilos sa atin, at nagdadala sa atin kung saan nais niyang akayin tayo, at malugod tayong sumusnod, tulad ng mga anak na nasa kamay ng kanilang ama, tayo man ay piliin niyang  dalhin sa malinis na daan o akayin tayo sa mga daang liku-liko, na bumabagtas sa tinikan at dawagan, at nagdadala sa atin sa mga yapak ni Cristo.

 

Pari: Ialay natin ang misteryong ito para sa ating ispiritwal na muling pagkabuhay lalo na sa panahon ng pandemya.  Nawa’y ipagkaloob sa atin ng Panginoon ang biyaya na malampasan ang mga hamong dala ng pagsubok na ito.

 

 

Ang Ikalawang Misteryo ng Luwalhati: Ang Pag-akyat sa Langit 

 

Tagabasa:  Itinanong ni Lucia sa Birhen: “Saan po kayo nagmula?” at sumagot naman ang Birhen, “Ako’y nanggaling sa langit.” Dahil sa pagtitiwala na pinukaw sa kanya ng Birhen, siya’y nagtanong: “Ako po ba ay pupunta rin sa langit?”  At ito’y tinugon ng Birhen, “Oo, pupunta ka.” Hindi mailarawan ang kagalakan sa loob na nadama ni Lucia, gayunman, hindi niya itinuring na siya’y ligtas sa obligasyon na iniatang sa kanila na maging tapat sa Diyos sa pamamagitan ng pag-ibig sa Kanya, paglilingkod sa Kanya, at tapat na pagsasakatuparan ng kanyang mga tagubilin at utos.   Isinulat ni Lucia: “Heto ang aking pamamaraan, kalimutan ang sarili, yakapin ang krus na ibinigay sa akin ng Panginoon, alang-alang sa pag-ibig sa Kanya at sa kapwa alang-alang pa rin sa pag-ibig sa kanya nang sa gayon, sa pamamagitan ng kanyang walang hanggang awa, ay magawaran ako balang araw ng grasya na matanggap sa makalangit na tahanan sa langit, sapagkat pag-ibig ang nagdadalisay sa atin, nagbibigay sa atin ng dangal, at nagbibigkis sa atin sa pakikipag-isa sa Diyos.

 

Pari:  Ialay natin ang misteryong ito para sa pagkakaroon ng malaking paghahangad sa langit, para sa katatagan ng mga matuwid, at para sa mga kaluluwa ng mga namatay dahil sa pandemya.  Nawa’y tanggapin sila ng Diyos sa kanyang Kaharian at nawa’y ang Kalinis-linisang Puso ni Maria ang maging kanlungan at konsolasyon ng kanilang mga mahal sa buhay.

 

 

Ang Ikatlong Misteryo ng Luwalhati:  Ang Pagpanaog ng Espiritu Santo

 

Tagabasa: Isinulat ni Lucia: “Hiniling sa amin ng ating Birhen na gumawa ng isang bagay at ito ay naging gabay ko sa buhay:  Isakripisyo ninyo ang inyong sarili para sa mga makasalanan, at bigkasin ninyo nang maraming ulit, lalo na kung kayo’y gumagawa ng sakripisyo: ‘O Jesus, ito’y alang-alang sa pag-ibig sa Iyo, para sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan, at para sa pagbabayad-puri sa mga kasalanang nagawa laban sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.’  Sa buong mensahe ng Fatima, mula sa mga pagpapakita ng Anghel, matatagpuan natin ang panawagan para sa panalangin at sakripisyong iniaalay sa Diyos alang-alang sa pag-ibig sa Kanya at para sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan.  Ang panawagang ito ay masasabing batayang pamantayan ng buong mensahe, na nagsisimula sa pag-aakay sa atin sa larangan ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.  “Diyos ko, ako’y naniniwala, ako’y sumasamba, ako’y umaasa, ako’y umiibig ako sa Iyo.  Ito ang batayan ng buo nating buhay-espiritwal:  mabuhay nang may pananampalataya, mabuhay nang may pag-asa, mabuhay nang may pag-ibig.

 

Pari: Ialay natin ang misteryong ito para sa pagbaba ng Espiritu Santo sa ating mga kaluluwa.  Nawa, tayong tumanggap ng Espiritu Santo sa mga sakramento, lalo na sa Binyag at Kumpil, ay makapamuhay ayon sa udyok ng Espiritu ring ito, nang sa gayon puspos ng kanyang mga kaloob, ay lumago tayo sa kabanalan at mag-abot ng tulong sa mga kapatid na higit na nangangailangan sa panahong ito ng krisis.

 

 

Ang Ikaapat na Misteryo ng Luwalhati:  Ang Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birhen

 

Tagabasa: Ibinahagi ni Lucia, “Naglakas-loob akong hingin sa mensaherong mula sa langit na dalhin kami sa langit. ‘Nais kong hilingin sa iyo na dalhin mo kami sa langit.’  Wala nang halaga ang daigdig para sa akin.  Ang hangad ko’y ipagsama niya kami sa langit.  Ngunit hindi ito ang plano ng Diyos, kayat ang tugon niya: ‘Oo, malapit ko nang kunin ko sina Jacinta at Francisco.  Ngunit ikaw ay mananatili rito nang mas mahaba pang panahon.  Nais ni Jesus na gamitin ka upang maipakilala ako at nang ako’y mahalin.  Nais niyang magtayo sa daigdig ng debosyon sa aking kalinis-linisang puso.’  Ito ang misyon na inilaan ng Diyos para sa akin, ngunit ang manatili sa daigdig nang hiwalay kina Jacinta at Francisco ay nangangahulungan ng pag-iisa sa abandonado at walang katiyakang daigdig, kung kaya’t ang Makalangit na Mensahero ay tumugon: ‘Matindi ba ang iyong paghihirap?  Huwag kang masiraan ng loob.  Hindi kita iiwan.  Ang kalinis-linisan kong puso ang magiging kanlungan mo at daan na magdadala sa iyo  papunta sa Diyos.

 

Pari: Ialay natin ang misteryong ito para sa isang masayang kamatayan, para sa isang malambing na debosyon sa isang mapagmahal na Ina, para sa ganap at dakilang pag-ibig sa Diyos, at para sa mataas na antas ng kaluwalhatian sa langit sa higit na ikaluluwalhati ng Diyos.  Nawa, sa gitna ng panganib ng kamatayan sa pag-iisa ng mga biktima ng COVID, ay makasumpong tayo ng konsolasyon sa pag-iisip na ang Diyos ay kasama natin at ang kalipunan ng mga banal ay naghihintay sa atin sa langit.

 

 

Ang Ikalimang Misteryo ng Luwalhati: Ang Pagpuputong ng Korona sa Mahal na Birhen

 

Tagabasa:  “Sa katapusan, ang aking kalinis-linisang puso ay magtatagumpy,” ito ang sabi ng Mahal na Birhen sa tatlong bata.  “Itatalaga ng Santo Papa ang Russia sa akin, at ito ay magbabalik-loob, at ang panahon ng kapayapaan ay ipagkakaloob sa daigdig.”  Ang pangakong ito ng kapayapaan ay may kinalaman sa mga digmaang lumaganap sa buong daigdig dahil sa mga pagkakamali na nagmula sa Russia. Isinulat ni Lucia, “Ang pagtatalagang ito ay isinapubliko sa Roma ni Papa Juan Paulo II noong Marso 25, 1984, sa harap ng imahen ng Mahal na Birhen ng Fatima na pinararangalan sa Chapel of the Apparitions sa Cova da Iria, Fatima.  Sumulat ang ating Santo Papa sa lahat ng Obispo sa buong mundo na humihiling na makiisa sila sa kanya sa pagtatalagang ito. Iniutos niya na ang imahen ay dalhin sa Roma upang bigyang-diin na ang Pagtatalagang ito na kanyang gagawin sa harap ng imaheng ito ay yaong hinihingi ng Mahal na Birhen ng Fatima.

 

Pari: Ialay natin ang misteryong ito para sa pananatili sa grasya, para sa korona ng kaluwalhatian sa langit, para sa kapayapaan sa ating bansa at sa buong daigdig, at para sa ganap na pagsugpo sa pandemya ng coronavirus.  Nawa ang Mahal na Birhen ay manatiling ating Reyna at Ina sa ating araw-araw na pagsisikap na makasunod sa kalooban ng Ama kahit na sa mahihirap na panahon at mga sandali ng pagsubok.

 

 

PANALANGIN NI PAPA FRANCISCO SA MAHAL NA BIRHENG MARIA

SA PANAHON NG COVID-19

 

O Maria,

patuloy kang nagliliwanag sa aming paglalakbay

bilang sagisag ng kaligtasan at pag-asa.

Ipinagkakatiwala namin sa iyo ang aming sarili,

ikaw na Kalusugan ng mga Maysakit,

na sa paanan ng krus

ay kaisa ni Jesus sa kanyang paghihirap

at nanatili sa iyong pananampalataya.

 

Tagapangalaga ng sambayanang Romano,

nalalaman mo ang aming mga pangangailangan,

at nalalaman naming magkakaloob ka, 

upang, katulad ng sa Cana, Galilea,

ay bumalik ang kagalakan at pagdiriwang

pagkatapos ng panahong ito ng pagsubok.

 

Tulungan mo kami, Ina ng Pag-ibig ng Diyos,

na mahubog ang aming sarili sa kalooban ng Ama

at magawa namin kung ano ang sinasabi sa amin ni Jesus.

Sapagkat siya ang nagdala ng aming paghihirap,

at nagpasan ng aming mga kalungkutan

upang maakay niya kami, sa pamamagitan ng krus,

patungo sa kagalakan ng Muling Pagkabuhay.  Amen.

 

Nagmamadali kaming nanganganlong sa iyong pangangalaga,

O banal na Ina ng Diyos;

Huwag mong tanggihan ang aming mga kahilingan

sa aming mga pangangailangan,

kundi lagi mo kaming iligtas

sa lahat ng panganib,

O Maluwalhati at Pinagpalang Birhen.

 

 

PANALANGIN NG PAGTATALAGA

SA KALINIS-LINISANG PUSO NI MARIA

 

            Nanganganlong kami sa iyong pangangalaga, O banal na Ina ng Diyos.  Habang binibigkas namin ang mga salitang ito ng antipona na inawit ng Simbahan ni Cristo sa loob ng mga daangtaon, kami’y nasa iyong harapan, aming Ina, sa taong ito ng Pananampalataya. Kaming bumubuo ng Katawan ni Cristo ditto sa aming bansa, at bumibigkas ng mga salita ng kasulukuyang pagtatalaga at pagtitiwala, ay nagpapahayag ng mga pag-asa at pagkabagabag ng sambayanang Pilipino, sa yugtong ito ng aming kasaysayan.

 

Ina ng aming sambayanan, kami’y nagbubunyi sa taguring ‘bayang sumisinta kay Maria’. Nalalaman mo ang aming mga paghihirap at mga inaasam, ikaw na nagtataglay ng kamalayan ng isang ina sa lahat ng tunggalian ng mabuti at masama, ng  liwanag at dilim, na bumabagabag ngayon sa daigdig.  Ina ng aming bayan, tanggapin mo ang pagsusumamo na aming ipinaaabot sa iyong puso, sa udyok ng Banal na Espiritu.

 

Yakapin mo ng iyong makainang pag-ibig, ang aming bayan at ang aming bansa, na ngayon ay aming ipinagkakatiwala at itinatalaga sa iyo, sapagkat kami’y tunay na nababahala para sa kahahantungan ng bawat isa sa amin at ng buong sambayanan namin, dito man sa lupa o sa kabilang buhay.

 

Nanganganlong kami sa iyong pangangalaga, o banal na Ina ng Diyos; huwag mong maliitin ang mga aming kahilingan sa gitna ng aming mga pangangailangan.

 

Tunghayan mo ang Simbahan ng Panginoon sa aming bansa na nagkakatipon sa  harap ng iyong Kalinis-linisang puso, at nagkakaisa ng puso at isip bilang isang sambayanang Pilipino na nakikiisa sa pagtatalaga sa amin ng Iyong anak mismo dahil sa pag-ibig sa amin.  Sinabi niya sa Ama: “Alang-alang sa kanila’y itinalaga ko ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan” (Jn 17:19).  Nais naming makiisa sa aming Tagapagligtas sa pagtatalagang ito para sa buong daigdig at para sa buong sangkatauhan, na sa kanyang maka-Diyos na Puso ay may kapangyarihang magkamit ng kapatawaran at tumanggap ng pagbabayad-puri.

 

Ang bisa ng pagtatalagang ito ng iyong Anak na aming Panginoon, ay panghabang-panahon at sumasakop sa lahat ng indibidwal, bayan at bansa.  Kayat sakop din nito ang aming bayan at lupain. Ang bisa ng pagtatalagang ito ay nagwawagi sa bawat kasamaan na binibigyang-buhay ng espiritu ng kadiliman, na sa totoo’y napukaw na sa puso ng mga tao sa kasalukuyang yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan.

 

Nadarama namin ngayon ang pangangailangan para sa pagtatalaga ng aming bansa, kaisa ni Cristo Jesus mismo.  Sapagkat ang gawaing sinimulan ng aming            Tagapagligtas ay dapat pagtulung-tulungang ipagpatuloy ng buong daigdig, kasama ang aming bansa, sa pamamagitan ng Simbahan.

 

Bumabaling kami sa iyo, Ina ng Tagapagligtas at amin ding ina:  nawa’y pagpalain kang higit sa alinmang nilikha—ikaw, ang alipin ng Panginoon, na sumunod sa tawag ng Diyos nang buong kaganapan.  Papuri sa iyo, na ganap na kaisa sa nagliligtas na pagtatalaga ng iyong Anak.

 

Ina ng Diyos! Liwanagan mo ang Bayan ng Diyos sa daan ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.  Tulungan mo kaming mamuhay sa katotohanan ng pagtatalaga na inialay ni Jesus na iyong Anak sa buong pamilya ng sangkatauhan, at para sa amin, ang sambayanang Pilipino at sa aming minamahal na bansa.

 

Ipinagkakatiwala namin sa iyo, O Ina, ang aming bayan, ang bayang sumisinta sa iyo, at itinataas namin ang aming pagtatalaga ng sarili sa iyong makainang puso. 

 

Kalinis-linisang puso, tulungan mo kaming pagwagian ang banta ng kasamaan na napakadaling pumasok at mag-ugat sa puso ng mga tao; ang di-masukat na mga bunga nito ay nagpapahirap sa aming bansa, at tila humahadlang sa mga daan tungo sa magandang kinabukasan.

 

Mula sa pagkamuhi, karahasan, at mga tunggalian na naghahati at sumisira sa aming bansa, iligtas mo kami.

Mula sa kasalanan laban sa buhay ng tao sapul sa pagsisimula nito, iligtas mo kami.

Mula sa pagyurak sa dangal ng mga anak ng Diyos, iligtas mo kami.

Mula sa kawalan ng katarungan sa buhay ng lipunan, iligtas mo kami.

Mula sa pagsalansang mga utos ng Diyos, iligtas mo kami.

Mula sa pagkawala ng kamalayan ng mabuti at masama, iligtas mo kami.

Mula sa mga kasalanan laban sa Espiritu Santo, iligtas mo kami.

 

Tanggapin mo, O ina ni Cristo, ang hinaing na ito, puno ng pag-asa at kabigatan, ng paghihirap ng bawat isa sa amin, at ng buo naming sambayan. Tulungan mo kani, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na pagwagian at pagtagumpayan ang bawat kasalanan:  kasalanan ng mga indibidual, mga kasalanan ng lipunan, at kasalanan ng mundo—lahat ng anyo ng kasalanan.

 

Bayaan mong minsan pang mahayag, sa aming kasaysayan bilang isang sambayanan, ang walang hanggang kapangyarihan ng pagliligtas, ang kapangyarihan ng maaawaing pag-ibig ng Diyos.  Masira nawa nito ang kapangyarihan ng kasalanan at kasamaan na nasa aming gitna.  Mapanibago nawa nito ang aming mga konsiyensiya. Mapagbago nawa nito ang mga puso upang maging katulad ng Puso ni Jesus, at ng iyong sariling puso. Maipahayag nawa ng iyong kalinis-linisang puso sa lahat, sa aming bansa at sa buong mundo, ang liwanag ng pag-asa.  O Maria, Ina ni Jesus at aming Ina, aming buhay, aming katamisan at aming pag-asa.  Amen.  

No comments:

Post a Comment