Tuesday 12 May 2020

Katesismo ng Pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria


Katesismo ng Pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria

 

 

Mga minamahal kong kapatid kay Kristo,

 

Pagbati ng pag-ibig at kapayapaan!

 

Ang pagtatalaga ng sarili sa Ina ng Diyos ayon kay Papa Pio XII ay ang pagtatalagang  maghahatid sa atin sa mas malalim na pakikipagkaisa kay Hesus sa pamamagitan ng gabay ng ating Mahal na Ina. Ito ay nangangahulugan ng buong paghahandog ng sarili, ng buong buhay  at magpakailanman; isang handog na hindi lamang isang uri ng pormalidad o isang makabagbag damdaming gawain, sa halip ito ay mabisa at nagtataglay ng kabuuan ng buhay Kristiyano – buhay kasama si Maria.   Mahalagang maunawaang ang pagtatalaga kay Maria ay pagtatalaga ng sarili sa Diyos sa pamamagitan ni Maria.

 

Si San Luis ng Montfort ay nagbigay diin sa dalawang mahalagang bagay kaugnay sa pagtatalaga ng sarili kay Maria: Una, ang pagpapanibago ng ating pangako sa binyag; Pangalawa, natatanging paghahandog ng sarili kay Maria.

 

Una, ang pagpapanibago ng ating pangako sa binyag. Ang araw ng ating binyag ay napakahalaga para sa atin. Ito ang araw na tayong mga  makasalanang nilalang ay hindi lamang nilinis sa lahat ng kasalanan kundi pinagkalooban din ng dignidad at dangal bilang mga inampong anak ng Diyos. Sa pagtatalagang ito ng ating sarili, nangako tayong magiging tapat sa Diyos at itatakwil si Satanas at ang kanyang mga gawa. Subalit pinangatawanan ba natin ang pangakong ito? Bagamat nalinis na sa kasalanan bunga ng binyag, ang pagkagiliw sa kasalanan (concupiscence) ay nananatili pa rin na dapat paglabanan hanggang kamatayan. Bunga nito, ang tao ay nakagagawa pa rin ng kasalanan matapos ang binyag. Ayon na rin kay San Luis ng Montfort, madali nating limutin ang pangako ng binyag kung kaya kanyang imunungkahi ang pagtatalaga ng sarili kay Maria upang lubos na mapangatawanan ang pangakong ito. Bakit kay Maria? Sapagkat  siya ang higit na kinatatakutan ni Satanas na ipinahayag sa aklat ng Genesis (Gen.3:15) na siyang babaeng dudurog sa ulo ng ahas. Sa tulong ni Maria, higit tayong makakalaban kay Satanas at sa kanyang mga tukso na ipinangako natin sa binyag. Sa pamamagitan ni Maria na isang  tao, nilalayon ng Diyos ang pagkapahiya at pagkagapi ni Satanas na isang dating anghel na puspos ng kapalaluan.

 

Pangalawa, natatanging paghahandog ng sarili kay Maria. Ang natatanging paghahandog ng ating sarili  ay upang tularan ang paghahandog ni Hesus ng kanyang sarili kay Maria ng ito’y magkatawang tao sa kanyang sinapupunan. Bilang Ina, si Maria ang nangalaga, nagmahal ng lubos at humubog kay Kristo bilang tao. Pinangalagaan niya ang kapakanan ni Kristo.  Kung ang Anak ng Diyos mismo ay nagkaloob ng sarili kay Maria, hindi ba nararapat lamang na bilang mga disipulo ni Kristo, dapat natin siyang sundan at tularan. Ito ay ibig ng Diyos sapagkat si Maria ay pinagkalooban ng Diyos ng natatanging tungkulin para sa paghuhubog sa atin sa daan ng kabanalan. Kung paanong pinili ng Diyos si Maria upang maging instrumento ng pagkakatawang-tao ng Kanyang Bugtong na Anak; siya rin ay pinili ng Ama bilang instrumento upang tayo ay makapunta sa Kanya.  Ang dalawang hiwagang ito: ang Diyos na pumunta sa atin sa pamamagitan ni Maria at tayo papunta sa Diyos sa pamamagitan ni Maria ay gawa ng Espiritu Santo.  Kung kaya’t ang natatanging tungkulin ni Maria sa buhay kabanalan ay napakahalaga sapagkat siya’y instrumento ng Banal na Espiritu upang ibahagi sa atin ang biyaya ng buhay na walang hanggan at iyan ay walang iba kundi si Hesukristo.  Kaya naman si Maria bilang ating ina ay hinuhubog tayo sa wangis ni Hesukristo.

 

Sa pagtatalaga natin ng ating sarili kay Maria, pinahihintulutan natin siyang gampanan ang kanyang papel bilang ina sa buhay natin. Sa pamamagitan ng pagtatalagang ito, nangangako tayong palaging sasandal kay Maria sa lahat ng bagay:  upang ialay ang ating mga panalangin at obligasyon sa Diyos at palaging hanapin ang mga biyayang galing sa Diyos sa pamamagitan niya.

 

Mahal na  Birhen ng Fatima at Pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria

            

Noong magpakita ang ating Mahal na Ina sa Fatima, hiniling niya ang Pagtatalaga sa kanyang Kalinis-linising Puso, isang natatanging pagtatalaga at nananawagan ng debosyon sa limang unang Sabado kung saan ang pagdarasal ng Santo Rosaryo, pagninilay at pagtanggap ng komunyon ay isasagawa bilang pagbabayad-puri sa mga kasalanan laban sa kanyang kalinis-linisang puso.  Nagtataglay din ito ng pagsisikap na tupdin ang kanyang hiling na panalangin at sakripisyo para sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan at pagbabayad-puri sa mga pananakit at paglapastangan sa Diyos.  

 

Ang pagsasabuhay ng pagtatalagang ito ay nangangahulugan ng pagiging mga alagad ni Maria, nagsisikap na tularan ang kanyang mga katangian at inilalagay sa kanyang mga palad ang mumunting sakripisyo para sa pagbabayad-puri at kaligtasan ng mga kaluluwa sa ikatatagumpay ng kanyang Kalinis-linisang Puso.  Kung isasabuhay natin ang pagtatalagang ito, tataglayin natin ang pangako ng Birhen ng Fatima na nagsabing: “Hinding-hindi ko kayo iiwan; ang aking Kalinis-linisang Puso ay magiging inyong tanggulan at daan patungo sa Diyos.”

 

            Ang tanging nais ng ating Mahal na Ina ay ang kaligtasan ng kaluluwa ng kanyang mga anak na karamihan ay naliligaw sa tunay na landas ng buhay. Hinahanap niya ang mga kaluluwang bukas-palad na nagnanais na kanyang gabayan patungo at papalapit sa kanyang Anak.  

 

            Ang pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria ay nangangahulugan ng pagiging payak at mapagtiwala tulad ng isang bata, na hinahayaang tangan ang kanyang kamay upang siya ay gabayan, may pagtitiwala bagama’t hindi niya alam kung saan patutungo.  Alam ng Mahal na Ina kung saan tayo mas magiging mabuti at mas magiging  banal.

 

            Mahigit isang daang taon na ang lumipas mula nang magpakita si Maria sa tatlong bata sa Fatima at ibigay sa mundo ang napakahalagang mensaheng ito ng pagtatalaga noong 1917.  Ngunit kakaunti ang nagbigay ng kaukulang atensyon sa mga mensaheng ito magpahanggang ngayon.  Totoong ang pagsasakatuparan o hindi ng kanyang hiling ay may katumbas na kabayaran sa kalalagayan ng mundo lalong lalo na sa kapayapaan at kaligtasan ng bawat bansa.  Ang nilalaman ng kanyang mensahe ay para sa ating espiritwal na buhay, panawagan sa pananalangin at pagbabalik-loob, at mga banta na dulot kapag hindi natupad ang kanyang hinihiling.  

            

            Sabi ni Sr. Lucia kay Padre Thomas McGlynn, isang Dominikano na siyang lumilok sa imaheng marmol ng Birhen ng Fatima na matatagpuan sa bukana ng basilica: “Sa iyong susulatin, bigyan mo ng diin ang espiritwal na kahulugan ng mga bagay, upang ang isip ay maituon sa itaas na ngayon ay masyado nang naging materyoso; upang kanilang maintindihan ang tunay na kahulugan at dahilan ng pagdating ng Mahal na Ina dito sa mundo, at iyan ay upang dalhin ang mga kaluluwa sa langit, upang mailapit sa Diyos.”

 

            Sa kasawiang palad, ang mensahe ng Fatima ay nahulog lamang sa larangan ng pulitika tulad noong naganap na digmaang pandaigdig at pag-uusig sa Simbahan kaya naman nakikita na lamang ang mensahe ng Fatima bilang paraan ng pag-iwas sa mga digmaan, kalamidad at krisis tulad ng ating kinakaharap ngayon.  Ang mensahe ng Fatima ay hindi lamang para sa pagbabago ng Russia o ang pag-iwas sa digmaan.  Higit sa lahat huwag sana nating makalimutan ang tunay nating pananagutan at obligasyon: ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng ating pagbabalik-loob at pagbabagong-buhay.  

 

Ang tunay na mensahe ng Fatima ay tungkol sa nakatatakot na babala sa mundo na patuloy sa pagkakasala.  Ang lalim ng pagrerebelde ng sangkatauhan sa Diyos at ang walang hanggang paghimok ng Diyos na talikdan ang kasalanan ang siyang nilalaman ng mensahe ng Fatima.  Ito ay isang babala na darating ang oras ng katarungan ng Diyos. Kung hindi makikinig at sasamantalahin ng sangkatauhan ang mensahe ng Kanyang Awa sa pamamagitan ng Kalinis-linisang Puso ni Maria, ito ay maghahatid sa mundo ng matinding pagkasira.

 

            Ipinakita ni Maria sa tatlong bata ang pangitain ng impiyerno.  Ang pangitaing iyon ay hindi babala sa tatlong bata kundi para sa atin sapagkat sinigurado ni Maria na sila ay maliligtas.  Binibigyang diin ng mensahe sa Fatima na ang pagkahulog ng isang kaluluwa sa impiyerno ay higit pa sa lungkot, pagdanak ng dugo at kawalang pag-asa ng mga libo-libong digmaan.  Napakita si Maria sa Fatima hindi upang ipag-adya tayo sa mga digmaan o papagbaguhin ang Russia o panatilihing tahimik ang mundo.  Naparito siya upang sabihin sa atin kung paano tayo ilayo sa kapahamakan ng impiyerno at upang ilapit tayo sa Diyos.

 

            Ngayong ika-13 ng Mayo, sa kapistahan ng Birhen ng Fatima ang buong bansa ay ating itatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.  Ito ang kanyang nais noong 1917. Humihingi tayo ng paumanhin sa kanya sapagkat hindi tayo agad nakinig. Subalit nagtitiwala pa rin tayong hindi pa huli ang lahat upang sa pamamagitan ng kanyang Kalinis-linisang Puso ay gabayan niya tayo sa pagtahak papalapit sa Diyos bilang kanyang bayan at upang maraming kaluluwa ang mailigtas sa pamamagitan ng kanyang dasal at pagsusumamo.  Gagawin ng lahat ng mga Obispo sa bawat diyosesis sa buong Pilipinas ang pagtatalagang ito na may pagkakaisa sa iisang layunin, iisang puso at diwa.  

 

Lubhang Kgg. Roberto C. Mallari, D.D.

Obispo ng San Jose, Nueva Ecija

No comments:

Post a Comment