ADMINISTRATIBONG KAUTUSAN 2020-01
PETSA:16 MARSO 2020
PARA SA:LAHAT NG MGA PARING DIYOSESANO AT RELIHIYOSO, MGA BABAENG RELIHIYOSA AT LAIKO
UKOL SA:MAHIGPIT NA HAKBANG LABAN SA COVID-19 CODE RED SUB-LEVEL 2 ALERT
Noong ika-12 Marso 2020, itinaas ng Pangulo ang antas ng alerto para sa COVID-19 sa Code Red Sub-Level 2, ang pinakamataas na antas ng alertong lokal para sa COVID-19, at inilagay ang buong Kalakhang Maynila sa ilalim ng “community quarantine” sa loob ng 30 araw, mula ika-15 ng Marso 2020 hanggang ika-14 ng Abril 2020. At, noong ika-16 ng Marso 2020, ang buong Luzon ay inilagay sa ilalim ng “enhanced community quarantine” mula ika-17 ng Marso 2020 hanggang ika-12 ng Abril 2020.
Noong 13 Marso 2020, sa ilalim ng Kautusang Ehekutibo Blg. 22, inilagay ng Punong Panlalawigan ang buong Lalawigan ng Oriental Mindoro sa ilalim ng “voluntary community quarantine” mula sa ika-14 ng Marso 2020 hanggang sa ika-25 Marso 2020. Noong ika-14 ng Marso 2020, dahil samalubhang pagbabanta ng COVID-19, inirekomenda ng mga lokal na eksperto sa medisina ang mahigpit na pagbabawal sa mga malawakang pagtitipon, kabilang dito ang mga pang-simbahang serbisyo at gawain, upang maiwasan ang lokal na pagkalat ng COVID-19.
Tayo, sa Apostoliko Bikaryato ng Calapan, ay may moral na pananagutan na tumulong at sumuporta sa lahat ng makatwirang mungkahi na iniaalok sa atin ng mga lokal na otoridad na sibil at medikal para mapanatiling ligtas at malusog ang sambayanan ng Diyos. Dahil dito, hinihingi sa atin na gamitin ang ibayong pag-iingat bilang isang lokal na Simbahan, at baka ang ating mga simbahan ay maging punlaan pa sa paghahatid ng pagkalat ng COVID-19.
Sa pagsasaalang-alang ng mga nabanggit na situwasyon at rekomendasyon, ang mga sumusunod na MAHIGPIT NA HAKBANG ay ipatutupad:
1. Ang pagdiriwang ng lahat na pampublikong Misa – sa Araw ng Linggo, Karaniwang Araw, Piyesta – ay kanselado sa lahat ng Simbahan at Kapilya, kabilang na sa mga malls at opisina, simula sa alas-12:01 ng hapon ng ika-15 ngMarso 2020 hanggang sa alas-12:01 ng hapon ng ika-1 ng Abril 2020, maliban kung ang pangyayari ay mangangailangan at ang situwasyon ay magtatakda ng iba pa.
2. Ang mga mananampalataya ay pinapayuhan na gawing banal ang Araw ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia o panonood ng pagdiriwang ng banal na Misa sa TV, radyo o social media. Sila ay binibigyan ng dispensation sa hindi pagsisimba sa mga Linggo at mga banal na araw ng obligasyon.
3. Ang lahat ng Simbahan at Kapilya ay dapat bukas sa buong maghapon upang ang mga tao ay makapasok at magkaroon ng kapayapaan sa tahimik na panalangin habang pinapanatili ang social distancing (i.e. hindi bababa sa isang metro ang layo). Ang hand sanitizers ay kailangang nakahanda sa bahaging pasukan at ang disinfection ay dapat regular na gawin.
4. Ang mga Adoration Chapels, dahil sa maliit na espasyo upang mapanatili ang social distancing, ay dapat nakasara.
5. Ang araw-araw na pagdiriwang ng pribadong Misa ay nananatiling obligasyon sa lahat ng mga pari. Kahit sa kawalan ng kongregasyon, nakikiisa ang ating sarili sa ating kawan sa bigkis ng espirituwal na pakikipag-ugnayan.
6. Ang Misa sa Kasal ay hindi pinapayagan sa Simbahan o Kapilya. Tanging ang Rito ng Pagdiriwang ng Kasal angpinapayagan subalit dapat na limitado sa ikakasal, mga magulang ng ikakasal at dalawang saksi. Dapat tiyakin ang pagsunod sa patakaran ukol sa face mask, social distancing at hand sanitizing.
7. Ang Misa sa Patay ay hindi pinapayagang ipagdiwang sa Simbahan o Kapilya. Tanging ang Pagbabasbas ng Patay ang pinapayagan subalit isasagawa ito sa bahay ng yumao sa panahon ng lamay kasama ang mga naulilang pamilya at sa oras na ang mga tao ay maliit lamang ang bilang. Dapat tiyakin ang pagsunod sa patakaran ukol sa face mask, social distancing at hand sanitizing.
8. Ang Pagbibinyag ng Maramihan (Communal Baptism) ay hindi pinapayagang ipagdiwang sa Simbahan o Kapilya. Tanging ang Pagbibinyag na Isahan (Individual Baptism)ang pinapayagan subalit yaon lamang batang bibinyagan, magulang ng bibinyagan at isang pares na ninong at ninang ang magsisipagdalo. Dapat tiyakin ang pagsunod sa patakaran ukol sa face mask, social distancing at hand sanitizing.
9. Ang Isahang Kumpisal (Individual Confession) ay maaaring isagawa sa Lugar Kumpisalan subalit dapat ay may nakaharang na kurtina o plastic cover sa pagitan ng pari at penitente. Ang pagkukumpisal ng magkaharapan ay lubhang ipinagbabawal.
10. Ang Pagpapahid Langis sa Maysakit ay dapat ipagkaloob. Dapat tiyakin ang pagsunod sa patakaran ukol sa face mask, social distancing at hand sanitizing. Ang paghahatid ng Komunyon sa Maysakit ng mga ENHC ay hindi muna gagawin.
11. Ang rekoleksyon, pilgrimahe, kumperensya, pagpupulong at iba pang mga katulad na gawain ay dapat ikansela o ipagpaliban.
12. Ang buong espasyo, mga pasilidad at kagamitan ng Simbahan ay dapat na i-disinfect or i-sanitize pagkatapos ng bawat gawain. Ang hand sanitizers ay dapat nakalagay sa bahaging pasukan ng simbahan.
13. Tuyuin ang mga lalagyan ng Banal na Tubig sa mga pasukang-pintuan ng simbahan.
14. Ang paghalik, pagpunas o paghipo sa mga sagradong imahe at estatuwa ay mahigpit na ipinagbabawal; ang mga larawan at estatuwa ay dapat takpan ng mga lilang tela.
15. Ang lahat ng simbahan ay dapat na magpatunog ng mga kampana araw-araw sa ganap na alas-12 ng tanghali at alas-8 ng gabi at dadasalin ang Oratio Imperata sa pamamagitan ng public address system.
16. Hinihikayat ang mga pari na mag-ukol ng panahon sa tahimik na pagsamba sa Santisimo Sakramento para sa kaligtasan ng ating kawan at sa kagalingan ng mga maysakit.
17. Ang isang araw ng Panalangin at Pag-aayuno ay gaganapin sa ika-25 ng Marso 2020, Kapistahan ng Pagbabalita ng Panginoon, na ilalaan para sa lahat ng mga taong naimpeksyon ng COVID-19 at ang mga namatay, at para sa pagkaligtas mula sa malawakang epidemiya. Sa araw na ito, ang Banal na Oras ay gaganapin ng mga pari sa lahat ng parokya at institusyon mula ala-6 hanggang ala-7 ng gabi; ang mga men and women religious ay magsasagawa nito sa kani-kanilang mga kapilya.
18. Sa seminaryo, paaralang pamparokya at pang-kongregasyon, ang mga klase ay suspendido. Maaaring isagawa ang study-from-home. Ang Baccalaureate Masses, Commencement Exercises and Moving-Up Ceremonies ay kanselado o ipagpaliban (cf. DepEd Orders).
19. Ang pasok ng mga empleyado ay suspendido mula ika-17 ng Marso 2020 hanggang ika-12 ng Abril 2020. Ang strict home quarantine ay lubhang ipinatutupad sa lahat ng mga empleyado.
20. Laging subaybayan at patnubayan ng mga pahayag ng CBCP bilang ating pangunahin at mga karagdagang panuntunan sa pagkilos.
Ang MISA NG KRISMA at MAHAL NA ARAW na mga pagdiriwang ay napapailalim sa “hanggang sa karagdagang abiso.” Isang opisyal na direktiba ang ibibigay kung ang mga ito ay kakanselahin o hindi, batay na rin kung ang mga pangyayari ay magnanais at ang situwasyon ay magtatakda.
Sa panahong ito ng krisis, huwag nating kalimutan ang ating mga mananampalataya habang patuloy nating ginagawa ang ating mga tungkulin sa mapag-alagang pagpapastol kaalinsabay ang pagtalima sa mga hakbang sa pag-iingat. Nawa 'y bigyan tayo ng banal na Espiritu ng kakayahang "na gamitin ang mga hakbang na hindi iniiwan ang banal at tapat na bayan ng Diyos nang walang tulong ... na nadarama ng bayan ng Diyos sa kanilang sarili na sinasamahan sila ng kanilang mga lingkod-pastol: sa pamamagitan nang Salita ng Diyos, sa mga Sakramento, at sa Panalangin" (Papa Francisco, Sermon, Kapilya ng Domus Sanctae Marthae, 13 Marso 2020).
Ang Administratibong Kauutusan na ito ay magkakaroon ng bisa epektibo alas-12:01 ng umaga ng ika-17 ng Marso 2020 at patuloy na iiral hanggang alas 12:01 ng umaga ng ika-1 ng Abril 2020.
Obstantibus contrariis.
(sgd) REBERENDO PADRE NESTOR J. ADALIA
Tagapangasiwang Apostoliko ng Calapan
No comments:
Post a Comment