SULAT NG TAGAPANGASIWANG APOSTOLIKO
SA MGA KLERO NG AVC SA GITNA NG COVID-19 PANDEMIC
“Dahil dito kayo'y mangagpangaralan, at mangagpatibayan sa isa't isa sa inyo,
gaya ng inyong ginagawa” (1 Tes 5:11) .
Minamahal kong mga kapatid na Klero,
Sa araw na ito ng Kapistahan ni San Jose, Patron ng Pandaigdigang Simbahan, nagkaroon ako ng inspirasyon na isulat ang liham ex corde na ito sa inyong lahat, na aking kapatid na pari, kayo na tahimik na nakababad ang sarili sa pangaraw-araw na buhay ng mga tao, na marubdob na naglilingkod sa mga nasa laylayan ng lipunan at tinitiis ang nakakapasong init ng araw, na sinusuong ng buong tapang ang nakakapangambang situwasyon ngayon, alang-alang lamang sa pagsisikap na alagaan at damayan ang mga tao, ang bayan ng Diyos.
Sa mga panahong ito ng lumalalang krisis ng COVID-19, nais kong mangusap sa bawat isa sa inyo na, ni walang personal na paghahangad ng katanyagan at kahalagahan, isinasagawa ang inyong misyon ng paglilingkod sa Diyos at sa mga tao. Kinikilala at pinasasalamatan ko kayo sa paglikha ng mga inisyatibo at pagsasagawa ng mga ito sa gitna ng inyong katandaan, karamdaman, kapaguran at kalungkutan. Salamat sa lahat ng inyong pagsisikap at dedikasyon. Ang taimtim ninyong paglilingkod ay marapat lamang sa aking paghihikayat at pagpapahalaga. Salamat sa inyong pagiging tapat sa pagkapari.
Sa kabila ng mga paghihirap ng inyong pambihirang paglalakbay, iyan ay dahil sa nasasadlak kayo sa higit pa sa karaniwan, regular o kasanayan, na kakaiba sa isang pangkaraniwang buhay-pari, ang lahat ng ito ay tungkol sa pagtataya ng inyong sarili sa situwasyon at pagtuturing sa mga ito bilang kamangha-manghang grasya ng mga karanasan. Kayo ay nagsusulat ng mga pinakamainam na mga pahina ng ating buhay pagkapari. At kasama ni Maria, ingatan ang lahat ng mga bagay na ito at pagbulay-bulayin ito sa inyong mga puso (cf. Lk. 2:19).
Sa mga panahong ito, mahalaga – sasabihin ko pa rin na pinakamahalaga – na itangi ang alaala ng pananahan ng Panginoon sa inyong buhay at sa Kanyang maawaing paningin, na magbibigay-inspirasyon sa inyo na ilagay ang inyong buhay sa tawag ng paglilingkod para sa Kanya at sa Kanyang bayan. At upang makasumpong kayo ng lakas na magtiyaga at, kasama ni Maria, upang itaas ang inyong sariling awit ng papuri, “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas” (Lk.1:46).
Mahal kong mga kapatid, minsan pa, “hindi ako tumitigil para magpasalamat sa inyo” (Ep. 1:16), para sa inyong kasipagan at katapatan sa paglilingkod.
Nawa'y ang pasasalamat na ito ay magdulot ng panibagong sigasig sa inyong paglilingkod upang pahiran ninyo ang sambayanan ng Diyos ng Dakilang Pag-asa. Nawa 'y maging lingkod kayo ng Diyos na ang buhay ay nagpapatotoo sa habag at awa na si Jesus lamang ang pinagbubuhatan.
Nawa'y pagpalain kayo ng Panginoong Jesus at mapangalagaan kayo ng Banal na Birhen. At pakiusap, hiling ko sa inyo na huwag kalimutang manalangin para sa akin at sa isa’t-isa.
Sumasakapatid ninyo,
(sgd.) MANONG NES
Lungsod ng Calapan, Lunduyan ng Obispo, 19 Marso 2020,
Kapistahan ni San Jose, Patron ng Pangdaigdigang Simbahan
No comments:
Post a Comment