PANALANGIN NG PAMILYA
PARA SA IKAHUHUPA NG SALOT NA COVID-19
(Gagamitin sa Araw ng Pananalangin at Pag-aayuno – 25 Marso 2020
at sa Pang-araw-araw na Panalangin ng Pamilya)
(Pamumunuan ng Ama o Ina ng Tahanan. Maaaring gawin ng Pamilya bago kumain ng hapunan o kaya ay bago matulog sagabi. Magtitipon ang Pamilya sa harap ng altar sa kanilangtahanan. Magsisindi ng kandila. Maaaring awitin o basahin ang Pambungad na Awit habang nakatayo.)
PAMBUNGAD NA AWIT
PATAWAD PO, O DIYOS KO
Patawad po O Diyos ko,
patawad ang daing ko.
Patawad kaawaan Mo,
ang abang lingkod Mo,
Ang abang lingkod Mo.
Ang aking kasalanan
na kinahuhulugan
Masasama ngang tunay
Dapat na parusahan;
Dapat parusahan.
Patawad po O Diyos ko,
patawad ang daing ko.
Patawad kaawaan Mo,
ang abang lingkod Mo,
Ang abang lingkod Mo.
N:Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
B: Amen.
N: Purihin ang Diyos ng biyaya, awa at kapayapaan. Papuri sa Ama, at sa Anak at sa Espiritu Santo.
B:Kapara noong una, ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.
PAUNANG SALITA
N:Mga kapamilya, natitipon tayo ngayon upang ipahayag ang ating pagtitika at pagsusumamo saPanginoon na wakasan na ang salot na dulot ng COVID-19. Bagaman tayo ay malimit tumalikod sa pagmamahal ng Panginoon, hindi niya tayo pinababayaan. Muli’t muli niyang iniaalok sa atin ang kanyang tipan at ang kanyang walang hanggang pag-ibig. Dumulog tayo ngayon at buong pusong hilingin ang kanyang pagbabasbas sa ating pamilya, sa ating pamayanan at sa buong mundo, at upang magwakas na ang salot na ating kinakaharap.
(sandaling katahimikan at pagninilay)
PAMBUNGAD NA PANALANGIN
N:Manalangin tayo.
Ama naming Makapangyarihan,
lakas ka ng mga walang inaasahan kundi ikaw.
Ang pagluhog namin ay iyong pagbigyan,
sapagkat kami’y mga tao lamang
na pawang mahihina kapag iyong iniwanan.
Kaya naman kami’y iyong laging tulungan
upang sa pagtupad sa iyong mga kautusan,
ikaw ay aming mabigyang kasiyahan
sa aming iniisip at ginagawa araw-araw.
Sa pamamagitan si Hesukristo,
kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan.
B:Amen.
(Magsisiupo ang lahat. Babasahin ng anak o sinumang miyembro ng pamilya ang Unang Pagbasa, Salmo, Ikalawang Pagbasa, Mabuting Balita)
PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS
UNANG PAGBASA
Magsisi kayo ng taos sa puso at hindi pakitang-tao lamang.
N:Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Joel (2:12-18)
Sinasabi ngayon ng Panginoon: “Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin, kayo’y mag-ayuno, manangis at magdalamhati. Magsisi kayo ng taos sa puso, hindi pakitang tao lamang. Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos. Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa, mapahinuhod at tapat sa kanyang pangako; laging handang magpatawad at hindi mapagparusa. Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani. Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak. Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion; iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat, tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo lahat, matatanda’t bata, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana, manangis kayo’t manalangin nang ganito: “mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon. Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin, Nasaan ang iyong Diyos?” Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos
B:Salamat sa Diyos.
(sandaling katahimikan at pagninilay)
SALMONG TUGUNAN
Tugon:Poon kami’y iyong kaawaan kaming sa‘yo’y nagsisuway.
Akoy kaawaan O mahal kong Diyos, sang-ayon sa iyong kagandahang-loob, ang mga kasalanan ko’y iyong pawiin, ayon din sa iyong pag-ibig sa akin. Linisin mo sana ang aking karumihan at ipatawad mo yaring kasalanan.
Tugon:Poon kami’y iyong kaawaan kaming sa‘yo’y nagsisuway.
Ang pagsalansang ko ay kinikilala, laging nasa isip ko at alaala. Sa iyo lang ako nagkasalang tunay, at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.
Tugon:Poon kami’y iyong kaawaan kaming sa‘yo’y nagsisuway.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain, bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin. Sa iyong harapan huwag akong alisin, ang Espiritu mo ang papaghariin.
Tugon:Poon kami’y iyong kaawaan kaming sa‘yo’y nagsisuway.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas, ibalik at ako ay gawin mong tapat. Turuan mo akong makapagsalita, at pupurihin kita sa gitna ng madla.
Tugon:Poon kami’y iyong kaawaan kaming sa‘yoy nagsisuway
IKALAWANG PAGBASA
Pinakamabuting magagawa ng tao ay buong tiyagang maghintay sa pagliligtas ng Panginoon.
N:Pagbasa mula sa aklat ng mga Panaghoy (3:17-26)
Sa akin ay wala ni bakas ng kalusugan, katiwasayan at kaligayahan. Kaya’t sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa sa Panginoon.” Simpait ng apdo ang alalahanin saaking paghihirap at kabiguan, lagi ko itong naaalala, at ako’y labis na napipighati. Gayunma’y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naaalala ko ito: ang hindi magmamaliw na pag-ibig ng Panginoon, at ang kanyang walang kupas na kahabagan. Hindi nagbabago tulad ng bukang liwayway. Dakila ang kanyang katapatan. Ang Panginoon ay akin, sa kanya ako nagtitiwala. Ang Panginoon ay mabuti sa mga nagtitiwala sa kanya, pinakamabuting magagawa ng tao ay buong tiyagang maghintay sa pagliligtas ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos
B:Salamat sa Diyos
(sandaling katahimikan at pagninilay)
AWIT
DIYOS AY PAG-IBIG
Pag-ibig ang siyang pumukaw
Sa ating puso at kaluluwa
Ang siyang nagdulot sa ating buhay
Ng gintong aral at pag-asa
Pag-ibig ang siyang buklod natin
Di mapapawi kailan pa man
Sa puso’t diwa tayo’y isa lamang
Kahit na tayo’y magkawalay.
Pagka’t ang Diyos natin Diyos ng pag-ibig
Magmahalan tayo’t magtulungan
At kung tayo’y bigo, ay h’wag limutin
Na may Diyos tayong nagmamahal
Sikapin sa ating pagsuyo
Ating ikalat sa buong mundo
Pag-ibig ni Hesus ang siyang sumakop
Sa bawa’t pusong uhaw sa pagsuyo.
MABUTING BALITA
Kinuha niya ang ating mga kahinaan at binata ang ating mga karamdaman.
N:Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (8:14-17)
B:Papuri sa iyo, Panginoon.
Noong panahong iyon, pumunta si Hesus sa bahay ni Pedro at doo’y nakita niya ang biyenan nito, nakahiga at inaapoy ng lagnat. Hinawakan niHesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Pagkatapos, bumangon ito at naglingkod sakanya. Nang gabi ding iyon, dinala kay Hesus ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu, at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Kinuha niya ang ating mga kahinaan at binata ang ating mga karamdaman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
B:Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
PAGNINILAY
(maaaring magbigay ng pagninilay ang tatay o nanay; maaaari rin magbahaginan ng mga kaisipan sa nangyayaring epidemya)
MAPANALANGING KATAHIMIKAN
AWIT
SINO’NG MAKAPAGHIHIWALAY
Sino’ng makapaghihiwalay
Sa atin sa pag-ibig ni Kristo?
Sino’ng makapaghihiwalay sa atin
Sa pag-ibig ng Diyos?
Paghihirap ba? Kapighatian?
Pag-uusig o gutom o tabak?
At kahit na ang kamatayan
Walang makapaghihiwalay sa atin
Sa pag-ibig ng Diyos.
Ang Ama kayang mapagtangkilik
O anak na nag-alay ng lahat
Saan man sa langit o lupa
Walang makapaghihiwalay sa atin
Sa pag-ibig ng Diyos.
PANGKALAHATANG PANALANGIN
N:Lumuhog tayo sa Ama sa kalangitan na pinili ang kanyang Anak upang maging ating tagapagligtas. Puno ng pagtitiwala humiling tayo ng lakas at gabay para sa ating lahat.
B: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
N: Idinadalangin namin ang buong Simbahan lalo’t higit para sa mga namumuno dito, ang Santo Papa, mga Obispo, mga pari at mga diyakono. Pagkalooban mo sila ng pusong handang laging maglingkod para sa kapakanan ng lahat. Manalangin tayo sa Panginoon.
B: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
N: Idinadalangin namin ang mga umuugit sa ating pamahalaan. Pagkalooban nawa sila ng Diyos ng kalakasan ng katawan at kalooban upang magawa nilang akayin ang sambayanan ng Diyos tungo saliwanag ng kaligtasan. Manalangin tayo saPanginoon.
B: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
N: Idinadalangin namin ang mga dalubhasa at mga manggagamot upang sa biyaya ng karunungan at kaalamang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos ay magtamasa nawa ang lahat ng tao ng kalusugan at kaligtasan mula sa karamdamang pangkatawan at pang kalooban. Manalangin tayo sa Panginoon.
B: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
N: Idinadalangin namin ang sangkatauhan, ang ating bansa at pamayanan, iligtas nawa tayo ng Diyos mula sa kapahamakang idinudulot ng sakit na COVID-19. Pagkalooban nawa ng pagkakaisa at pagmamahalan ang lahat upang magapi ang nakamamatay na karamdamang ito. Manalangin tayo sa Panginoon.
B: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
N: Idinadalangin namin ang mga taong may karamdaman at nagdurusa dahil sa COVID-19. Pagkalooban nawa sila ng Diyos ng malalim napagtitiwala sa kanya at ng kagalingan mula sa kanilang karamdaman. Manalangin tayo saPanginoon.
B: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
N: Idinadalangin namin ang lahat ng pumanaw nadahil sa karamdamang COVID-19. Pagkalooban nawa sila ng kapayapaan at pamamahingang walang hanggan kasama ang lahat ng anghel at banal doon sa kalangitan. Manalangin tayo saPanginoon.
B: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
AMA NAMIN
N:Manalangin tayo ayon sa dasal na itinuro sa atin ng Panginoong Hesukristo: (aawitin)
Ama namin, sumasalangit ka.
Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo dito sa lupa
para lang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon
ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.
ORATIO IMPERATA
Makapangyarihan at mapagmahal na Ama,
nagsusumamo kami sa iyoupang hilingin
ang iyong patnubay laban sa COVID-19
na nagpapahirap sa marami at kumitil na ng mga buhay.
Gabayan mo ang mga dalubhasang naatasan
na tumuklas ng mga lunas at paraan
upang ihinto ang paglaganap nito.
Patnubayan mo ang mga lumilingap sa maysakit
upang ang kanilang pagkalinga
ay malakipan ng husay at malasakit.
Itinataas namin ang mga nagdurusa.
Makamtam nawa nila ang mabuting kalusugan.
Lingapin mo rin ang mga kumakalinga sa kanila.
Pagkamitin mo ng kapayapaang walang hanggan
ang mga pumanaw na.
Pagkalooban mo kami ng biyaya
na magtulong-tulong tungo sa ikabubuti ng lahat.
Pukawin sa amin ang pagmamalasakit
sa mga nangangailangan.
Nagsusumamo kami na iyong ihinto na
ang paglaganap ng virus
at ipag-adya kami sa lahat ng mga takot.
Hinihiling naming ito sa pamamagitan ni Hesukristo
na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo,
iisang Diyos, magpasawalang hangan. Amen.
Dumudulog kami sa iyong patnubay, Mahal na Ina ng Diyos.
Pakinggan mo ang aming mga kahilingan
sa aming pangangailangan
at ipagadya mo kami sa lahat ng kasamaan,
maluwalhati at pinagpalang Birhen. Amen.
Mahal na Birhen, mapagpagaling sa maysakit,
ipanalangin mo kami.
San Rafael Arkanghel, ipanalangin mo kami.
San Roque, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.
PANALANGIN NI PAPA FRANCISCO SA MAHAL NA BIRHEN LABAN SA COVID-19
O Maria, tanglaw mo’y ‘di nagmamaliw
sa aming paglalakbay bilang tanda
ng aming kaligtasan at pag-asa.
Ipinagkakatiwala namin ang aming sarili sa iyo,
Kagalingan ng Maysakit, na sa Krus ay naging malapit
sa pagpapakasakit ni Kristo,
na siyang nagpatibay sa iyong pananampalataya.
Ikaw, kaligtasan ng mga Romano [Filipino],
ay nakababatid ng aming mga pangangailangan,
at nananalig kaming tutugunan mo
itong aming mga kinakailangan upang,
tulad ng sa Cana ng Galilea, manumbalik ang kasiyahan
at pagdiriwang matapos ang sandali ng pagsubok na ito.
Tulungan mo kami, Ina ng Banal na Pag-ibig,
nang maiayon namin ang aming mga sarili
sa kalooban ng Ama at maisakatuparan ang utos ni Jesus,
na Siyang kusang nagpakasakit, at umako sa aming hapis,
upang akayin kami, sa pamamagitan ng Krus,
tungo sa Muling Pagkabuhay. Amen.
Dumudulog kami sa iyong pagkalinga,
O Mahal na Ina ng Diyos.
Huwag mong siphayuin ang aming pagluhog
– kaming nasa gitna ng pagsubok –
at ipag-adya mo kami sa lahat ng kapahamakan,
O maluwalhati at pinagpalang Birhen.
PANGHULING AWIT
HUWAG KANG MANGAMBA
Huwag kang mangamba, 'di ka nag-iisa
Sasamahan kita, saan man magpunta
Ika'y mahalaga sa 'King mga mata
Minamahal kita, minamahal kita
Tinawag kita sa 'yong pangalan
Ikaw ay Akin magpakailanman
Ako ang Panginoon mo at Diyos
Tapagligtas mo at Tagatubos. (Koro)
Sa tubig kita'y sasagipin
Sa apoy ililigtas man din
Ako ang Panginoon mo at Diyos
Tapagligtas mo at Tagatubos. (Koro)
Panginoon namin Diyos na makapangyarihan.
ReplyDeletePapuri sa Diyos sa kaitaasan at sa lupa'y kapayapaan sa mgz taong kjnalulugdan niya.
Amen