Tuesday, 17 March 2020

“HUWAG MATAKOT! MANALIG KA!



Isang Liham Pastoral Tungkol sa COVID-19 ng Tagapangasiwang Apostoliko Nestor J. Adalia

Minamahal na Bayan ng Diyos;

Winika ni Hesus: “Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” (Juan 14:27)

Sinabi na ng World Health Organization (WHO): May mga katangian ng isang pandemic ang pandaigdigang situwasyon ukol sa corona viral disease o COVID-19. Sa buong mundo, ayon sa huling datos ng WHO, nasa mahigit 100 bansa na ang apektado, mahigit 150,000 ang nagpositibo at mahigit 5,000 na ang namatay. Sa Pilipinas, ayon sa huling datos ng DOH, nasa mahigit 100 na ang nagpositibo at mahigit 10 na ang namatay. At patuloy pa ang pagtaas ng bilang nito bawat oras, bawat araw. 

Noon ika-12 ng Marso 2020, itinaas ng Pangulo ang COVID-19 Alert sa Code Red Sub-level 2 at nagdeklara ng isang buwang community quarantine sa buong Kalakhang Maynila, mula ika-15 ng Marso 2020 hanggang ika-14 ng Abril 2020, upang mahadlangan ang pagkalat ng maaaring mahawahan ng sakit na ito. Noong ika-13 ng Marso 2020, sa bisa ng Executive Order No. 22, nagdeklara rin ang ating Punong Lalawigan ng voluntary community quarantine para sa buong Silangang Mindoro, mula ika-14 hanggang ika-25 ng Marso 2020. Noong ika-16 ng Marso 2020, nagdeklara ang Pangulo ng enhanced community quarantine sa buong Luzon, mula ika-17 ng Marso 2020 hanggang ika-12 ng Abril 2020, kasunid ng mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa bansa. At nitong Lunes, ika-16 ng Marso, akong inyong lingkod na Tagapangasiwa ng Apostoliko Bikaryato ng Calapan ay nagpalabas na rin ng Administrative Act, Pastoral Letter at Protocols na naglalatag ng mga naaakmang pagkilos sa bahagi ng ating lokal na Simbahan. 


Ang COVID-19 ay hindi po dapat magdulot ng malaking takot, pangamba at pag-aalala. Subalit hindi dapat maliitin o ipagwalang-bahala. Sa diwa ng malasakit sa isa’t isa, ipagpatuloy natin ang mga hakbang sa pag-iingat. Bilang inyong pinunong lingkod-pastol, hayaan ninyong makapagpahayag ako ng aking saloobin bilang bahagi ng aking tungkulin ng pagpapastol, gaya ng mga sumusunod:

UNA, sumubaybay po tayo sa mga pahayag ng ating pamahalaang nasyonal at lokal. Pakinggan at tumalima tayo sa lahat ng mga kautusan at mandato ng pamahalaan, ang mga payo ng mga eksperto sa medisina lalo na ang Kagawaran ng Kalusugan. Alam kong hindi ito madali. Kakailanganin ang sakripisyo. Pero ito ang paraan para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa at ng mas nakararami. Ang atin mang local na Simbahan ay nakahandang makipagtuwang at makipagtulungan sa ating pamahalaan. 

IKALAWA, sumubaybay po tayo sa mga pahayag ng ating Simbahan, sa pangunguna ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas. Sundin natin ang mga hakbang at patakaran ukol sa pag-iingat sa ating mga simbahan. Sadyang napakahirap at nakakapanibago dahil may ilang nakaugalian na nating gawin ang pansamantalang matitigil o mag-iiba. Nais kong linawin na hindi yaon mga bagong patakaran na lihis sa batas-liturhiya o tradisyon. Ito ay pansamantala lamang upang makaiwas sa kapinsalaang dulot ng COVID-19 para na rin sa kapakanan nating lahat. Nais kong ipaalala sa lahat: narito pa rin ang mga pastol ng Simbahan at hindi namin kayo iiwanan upang pangalagaan at pagkalooban ng serbisyong espiritwal at sakramental. Ang Simbahan ay mananatiling bukas bilang lugar ng pag-asa at ng pakikipagtagpo natin sa Diyos. 

IKATLO, maging matibay po sa halip na panghinaan ng loob, maging kalmado sa halip na aburido. Pinoy tayo, Mindoreño tayo: sanay tayo sa sakuna! Hindi tayo napaluhod ng mga bagyo; nakabangon tayo mula sa mga lindol. Sa bawat araw na lumilipas, lumalalim ang pang-unawa ng mga siyentista sa sakit na ito, at lumalapit ang pandaigdigang komunidad sa isang solusyon. Malalampasan din natin ito. Patuloy nating bigyang-pugay ang mga nasa frontliners sa pagkalinga sa mga tinamaan ng sakit na ito - mga scientists, doctors, nurses, health workers, military at police. Suportahan natin sila ng ating panalangin na bigyan ng kalakasan at kalusugan upang hindi sila mapahamak sa kanilang pagtugon sa kanilang ginagawang serbisyo publiko. Personal ko silang pinapasalamatan sa pahayag na ito. 

IKAAPAT, pamayanihan po tayo ng pagmamalasakit at pagkalinga sa kapwa. Walang paraan malampasan ito kundi ang isaisip ang kapakanan ng lahat. Huwag tayong makasarili. Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Laging isipin ang kapakanan ng lahat. Huwag makipag-unahan sa mga ospital at testing center; kung may sintomas tulad ng lagnat at ubo, mag-self-quarantine at obserbahan ang sarili ng dalawang araw bago sumugod sa ospital. Hindi rin po nakakatulong ang panic buying at hoarding. Ang bawat bote ng alkohol na inimbak natin at hindi nagagamit ay isang boteng ipinagkait natin sa ating mga kapitbahay, lalo na ang mahihirap na walang sapat na pera para makabili ng maramihan. Sa huli, kung magkasakit sila, lahat tayo’y madadamay, gaano man karami ang maiimbak nating mga gamit o pagkain. 

IKALIMA, sasamahan po natin ang ating pagharap sa krisis sa pag-iingat sa ating kalusugan. Kumain ng masustansiyang pagkain, mag-ehersisyo, uminon ng kumpletong bitamina, matulog nang husto sa oras, at huwag magpuyat para maging malakas ang resistensiya. Maging malinis sa katawan lalo na sa regular na paghuhugas ng mga kamay. Iwasan muna ang mga matataong lugar at ang mga paglalakbay sa hindi naman lubos na kailangan. Maging malinis din sa tahanan. Magdala ng alkohol o sanitizer para sa personal na kalinisan ng mga kamay. Iwasan ang paghawak sa mukha lalo na sa bibig, at ilong, pagkusot ng mata at magsuot ng face mask kung kailangan. Personal akong nagmamalasakit sa inyong kalusugan sa pahayag na ito. 

IKAANIM, manalangin po tayo ng lubos sa panahong ito. Walang imposible sa Diyos. Hilingin natin sa Diyos na gumaling na sana ang lahat ng may sakit na COVID-19 at huwag na itong lalong kumalat pa. Hindi tayo pabababayaan ng Diyos. Siya ay Diyos na laging nagmamahal sa atin. Lakasan natin ang ating loob at patatagin pa lalo ang ating pananampalataya sa Diyos. Kailanman ay hindi naghangad ang Diyos ng ating kapahamakan. Huwag nating pagdudahan ang Kanyang walang hanggang pagkupkop at wagas na pagmamahal sa atin. Bagkus, mainam na talastasin natin ang mensahe ng Diyos lalo’t higit ang pagbabalik-loob sa Kanya at pagbabagong-buhay. Sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birhen, sa pamamagitan na rin ni Sto. Niño, Patron ng ating Bikaryato, nawa ay ipag-adya tayo sa kapahamakan at makamtan nawa natin ang biyaya ng tunay na kalusugan ng ating kaluluwa at katawan sampu ng buong daigdig na nakakaranas ngayon ng matinding pagsubok. 

Muli, sabi nga ni Papa Francisco: “Huwag nating pabayaan na ang ating Dakilang Pag-asa ay nakawin ng epidemyang ito at ng takot.” Panghawakan natin ang Salita ng Diyos sa pahayag ni Propeta Isaias: “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagkat ako’y iyong Diyos; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran” (Isaias 4:10). 

Sumasainyo kay Kristo,

(sgd) REBERENDO PADRE NESTOR J. ADALIA
Tagapangasiwang Apostoliko ng Calapan

15 Marso 2020

3 comments:

  1. Salamat po Fr Nes at pagpalain tayong lahat ng mahabaging Ama.

    ReplyDelete
  2. Nawa ay matagumpay na malampasan natin ang pagsubok na ito. Sa tulong at walang hanggang biyaya ng Diyos, lahat tayo ay lubos na nananalig na di niya tayo papabayaan. Patuloy tayong manalangin at humingi ng tawad sa ating mga pagkakakasala.God is all good and merciful. Lord Jesus guide us towards the light of goodness and great mercy and forgive our sins.

    ReplyDelete
  3. Fr. Nes maraming salamat po sa mensaheng ito. God is good all the time. Amen🙏

    ReplyDelete