“HUWAG MATAKOT! MANALIG KA!”
Isang Liham Pastoral Tungkol sa COVID-19
ng Tagapangasiwang Apostoliko Nestor J. Adalia
Minamahal na Bayan ng Diyos;
“Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man”(Juan 14:27).
Sinabi na ng World Health Organization (WHO): May mga katangian ng isang pandemic ang pandaigdigang situwasyon ukol sa corona viral disease o COVID-19. Sa buong mundo, ayon sa huling datos ng WHO, nasa mahigit 100 bansa na ang apektado, mahigit 150,000 ang nagpositibo at mahigit 5,000 na ang namatay. Sa Pilipinas, ayon sa huling datos ng DOH, nasa mahigit 100 na ang nagpositibo at mahigit 10 na ang namatay. At patuloy pa ang pagtaas ng bilang nito bawat oras, bawat araw.
Noong ika-12 ng Marso 2020, itinaas ng Pangulo ang COVID-19 Alert sa Code Red Sub-Level 2 at nag-deklara ng isang buwang community quarantine sa buong Kalakhang Maynila, mula ika-15 ng Marso 2020 hanggang ika-14 ng Abril 2020, upang mahadlangan ang pagkalat ng maaaring mahawahan ng sakit na ito. Noong ika-13 ng Marso 2020, sa bisa ng Executive Order No. 22, nagdeklara rin ang ating Punong Lalawigan ng voluntary community quarantine para sa buong Silangang Mindoro, mula ika-14 hanggang ika-25 ng Marso 2020. Noong ika-16 ng Marso 2020, nag-deklara ang Pangulo ng enhanced community quarantine sa buong Luzon, mula ika-17 ng Marso 2020 hanggang ika-12 ng Abril 2020, kasunod ng mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa bansa. At nitong Lunes, ika-16 ng Marso, akong inyong lingkod na Tagapangasiwang Apostoliko ng Bikaryato ng Calapan ay nagpalabas na rin ng Administrative Decree, Pastoral Letter at Protocols na naglalatag ng mga naaakmang pagkilos sa bahagi ng ating lokal na Simbahan.
Ang COVID-19 ay hindi po dapat magdulot ng malaking takot, pangamba at pagaala-ala. Subalit hindi dapat maliitin o ipagwalang-bahala. Sa diwa ng malasakit sa isa’t isa, ipagpatuloy natin ang mga hakbang sa pag-iingat. Bilang inyong pinunong lingkod-pastol, hayaan ninyong makapagpahayag ako ng aking saloobin bilang bahagi na aking tungkulin ng pagpapastol, gaya ng mga sumusunod:
UNA, sumubaybay po tayo sa mga pahayag ng ating Pamahalaang nasyonal at lokal. Pakinggan at tumalima tayo sa lahat ng mga kautusan at mandato ng pamahalaan, ang mga payo ng mga eksperto sa medisina lalo na ang Kagawaran ng Kalusugan. Alam kong hindi ito madali. Kakailanganin ang sakripisyo. Pero ito ang paraan para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa at ng mas nakararami. Ang atin mang local na Simbahan ay nakahandang makipagtuwang at makipagtulungan ng buong-buo sa ating pamahalaan.
IKALAWA, sumubaybay din po tayo sa mga pahayag ng ating Simbahan, sa pangunguna ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas. Sundin natin ang mga hakbang at patakaranukol sa pag-iingat sa ating mga simbahan. Sadyang napakahirap at nakakapanibago dahil may ilang nakaugalian na nating gawin ang pansamantalang matitigil o mag-iiba. Nais kong linawin na hindi yaon mga bagong patakaran na lihis sa batas-liturhiya o tradisyon. Ito ay pansamantala lamang upang makaiwas sa kapinsalaang dulot ng COVID-19 para na rin sa kapakanan nating lahat. Nais kong ipaalala sa lahat: narito pa rin kamingmga pastol ng Simbahan at hindi namin kayo iiwanan upang pangalagaan at pagkalooban ng serbisyong espiritwal at sakramental. Ang Simbahan ay mananatiling bukas bilang lugar ng pag-asa at ng pakikipagtagpo natin sa Diyos.
IKATLO, maging matibay po sa halip na panghinaan ng loob, maging kalmado sa halip na aburido. Pinoy tayo, Mindoreño tayo: sanay tayo sa sakuna! Hindi tayo napaluhod ng mga bagyo; nakabangon tayo mula sa mga lindol. Sa bawat araw na lumilipas, lumalalim ang pag-unawa ng mga siyentista sa sakit na ito, at lumalapit ang pandaigdigang komunidad sa isang solusyon. Malalampasan din natin ito. Patuloy nating bigyang-pugay ang mga nasa frontliners sa pagkalinga sa mga tinamaan ng sakit na ito – mga scientists, doctors, nurses, health workers, military at police. Suportahan natin sila ng ating panalangin na bigyan ng kalakasan at kalusugan upang hindi sila mapahamak sa kanilang pagtugon sa kanilang ginagawang serbisyo publiko. Personal ko silang pinapasalamatan sa pahayag na ito.
IKAAPAT, pamayanihan po tayo ng pagmamalasakit at pagkalinga sa kapwa. Walang paraang malagpasan ito kundi ang isaisip ang kapakanan ng lahat. Huwag tayong makasarili. Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Laging isipin ang kapakanan ng lahat. Huwag makipag-unahan sa mga ospital at testing center; kung may sintomas tulad ng lagnat at ubo, mag-self-quarantine at obserbahan ang sarili ng dalawang araw bago sumugod sa ospital. Hindi rin po nakakatulong ang panic buying at hoarding. Ang bawat bote ng alcohol na iniimbak natin at di nagagamit ay isang boteng ipinagkakait natin sa ating mga kapitbahay, lalo na ang mahihirap na walang sapat na pera para makabili ng maramihan. Sa huli, kung magkasakit sila, lahat tayo’y madadamay, gaano man karami ang maiimbak nating mga gamit o pagkain.
IKALIMA, sasamahan po natin ang ating pagharap sa krisis sa pag-iingat sa ating kalusugan. Kumain ng masustansiyang pagkain, mag-ehersisyo, uminom ng kumpletong bitamina, matulog ng hustong oras at huwag magpuyat para maging malakas ang resistensya. Maging malinis sa katawan lalo na sa regular na paghuhugas ng mga kamay. Iwasan muna ang mga matataong lugar at ang mga paglalakbay sa hindi naman lubos na kailangan. Maging malinis din sa tahanan. Magdala ng alcohol o sanitizer para sa personal na kalinisan ng mga kamay. Iwasan ang paghawak sa mukha lalo na sa bibig, at ilong, pagkusot ng mata at magsuot ng face mask kung kailangan.Personal akong nagmamalasakit sa inyong kalusugan sa pahayag na ito.
IKAANIM, manalangin po tayo ng lubos sa panahong ito. Walang imposible sa Diyos. Hilingin natin sa Diyos na gumaling na sana ang lahat ng maysakit na COVID-19 at huwag na itong lalong kumalat pa. Hindi tayo pababayaan ng Diyos. Siya'y Diyos na laging nagmamahal sa atin. Lakasan natin ang ating loob at patatagin pa lalo ang ating pananampalataya sa Diyos. Kailanman ay hindi naghangad ang Diyos ng ating kapahamakan. Huwag nating pagdudahan ang Kanyang walang-hanggang pagkupkop at wagas na pagmamahal sa atin. Bagkus, mainam na talastasin natin ang mensahe ng Diyos lalo’t higit ang pagbabalik-loob sa Kanya at pagbabagong-buhay. Sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birhen, sa pamamagitan na rin ni Santo Niño, Patron ng ating Bikaryato, nawa’y ipag-adya tayo sa kapahamakan at makamtan nawa natin ang biyaya ng tunay na kalusugan ng ating kaluluwa at katawan sampu ng buong daigdig na nakakaranas ngayon ng matinding pagsubok.
Muli, sabi nga ni Papa Francisco: “Huwag nating pabayaan na ang ating Dakilang Pag-asa ay nakawin ng epidemyang ito at ng takot.” Panghawakan natin ang salita ng Diyos sa pahayag ni Propeta Isaias: “Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran” (Isaias 4:10).
Sumasainyo kay Kristo,
(sgd) REBERENDO PADRE NESTOR J. ADALIA
Tagapangasiwang Apostoliko ng Calapan
15 Marso 2020
No comments:
Post a Comment