Wednesday, 19 February 2020

Sa Panahon ng Diyos


Mga pagbasa at pagninilay para sa araw ng
Miyerkules, February 19
6th Week, Ordinary Time


James 1:19-27
Psalm 15
Mark 8:22-26

“Tinanong ni Hesus ang lalaking bulag, ‘May nakikita ka na ba?’ Tumingin ang lalaki at sumagot, ‘Nakakakita po ako ng mga tao, ngunit para silang mga punongkahoy na naglalakad.’”
(Maikling Pagninilay)

Ang pagbabago at pagbabalik-loob ay biyaya ng Diyos. Kung aasa lamang tayo sa ating sariling kakayahan, palagi tayong kakapusin. Sapagkat lahat ay imposible kung hiwalay sa Diyos.

Subalit may mga pagkakataong napapatanong tayo, “Mukhang nahihirapan ang Diyos na baguhin ako? Tila natatagalan? Kaya pa ba Niya?”

Maaaring natatagalan ang panunumbalik ng ating mga paningin. Subalit alalahaning hindi ito nangangahulugang nangangayaw na sa atin ang Diyos. Nagkakaroon ng pagkaantala sapagkat unti-unti...mahinay...at maingat Niyang pinanauli ang minsan nang nalamatan nating orihinal na ganda.

Huwag kainipan ang sarili. Huwag mawawalan ng pag-asa sa Diyos. Magliliwanag rin ang paligid sa pusong hangad magpakabuti at nagtitiwala sa Diyos.

No comments:

Post a Comment