Miyerkules ng Abo na naman. Ito ang hudyat ng pasimula ng Panahon ng Kuwaresma — ang apatnapung araw at gabi ng pagpapanibago ng sarili kalakip ng paghahanda para sa pagsapit ng ating maluwalhating pagdiriwang ng Misteryo Paschal o and dakilang paggunita sa pagpapakasakit, kamatayan at tagumpay ng muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo na tanda ng ating kaligtasan. Dahil unang araw ito ng Kuwaresma, sana simulan natin ng tama ang panimulang araw na ito.
Una, lubhang kilala ang araw na ito dahil sa paglalagay ng abo sa ating mga ulo. Dito ay ipinapaalalang, “Abo ang iyong pinagmulan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan.” Ito ay tuwirang paglalahad na ang panahong ito ay laan upang maghari ang diwa ng panunumbalik o pagbabalik-loob. Sa Unang Pagbasa sa araw ng Miyerkules, tahasan ang paalala ni propeta Joel, “Sinabi ng Panginoon: Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa Akin”; at Ikalawang Pagbasa sa araw ding nabanggit ay ipinamamanhik naman ni San Pablo na sa panahong ito nawa ay “makipagkasundo kayo sa Diyos.” Kaya naman maging hudyat nawa ang araw na ito ng ating malalim na kagustuhan na tunay na umuwi sa Ama at bumalik sa Kanyang yakap sa pamamagitan ng pag-amin sa ating karumihan, paghingi ng kapatawaran, at tunay na magbagong buhay upang sa pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay higit tayong maging karapat-dapat sa Kanyang harapan. Isabuhay natin ang sinasambit habang nilalagyan tayo ng abo: “Magbagong-buhay at sa Mabuting Balita sumampalataya.”
Ikalawa, sa araw na ito ang lahat nang nasa edad 18 hanggang 60 ay nararapat na mag-ayuno. Inaasahan din ang hindi pagkain ng karne sa araw na ito. Bakit? #Tiis-Alay. [1] Bahagi ng pag-aayuno ang pagtiTIIS — nagtitiis bilang bahagi ng pagtitika, pagsisisi at pagbabalik-loob; nagtitiis bilang pakikibahagi rin sa paghihirap ni Kristo. [2] At dahilan rin ng pag-aayuno ang pag-aALAY. Ang ating tiniis ay may kinauukulang pag-aalayan. Kaya ang halaga sana nating hindi nagastos sa pagkain ay magamit natin sa pagtapong at pagtulong sa mga higit na nangangailangan. Kulang ang sakripisyo kung walang paghahandugan. Kapos ang pagkakaloob kung walang nadama at naranasang pagtitiis sa kalooban.
Panghuli, ang araw na ito at ang buong Kuwaresma ay panahon ng pananalangin. Isa sa mga pinakamabisang paraan ng pakikipag-ayos at pakikipagkasundo ay ang pakikipag-usap. Ito ang ating karanasan sa ating kapwa. Kapag may nasirang relasyon, malabong magkaroon ng pagpapatawaran kung walang nagaganap na maayos na pag-uusap. Ganito rin sa ating relasyon sa Diyos. Mahalagang susi sa pagbabalik-loob sa Kanya ang malalimang ugnayan at pakikipag-usap sa Kanya sa pamamagitan ng pananalangin.
Pagpalain kayo ng Maykapal at maging madiwa nawa ang magiging panahon natin ng paghahanda at pagbabalik-loob ngayon Panahon ng Kuwaresma.
📷internetphoto
📝revjeffcoz
No comments:
Post a Comment